MARAMING mukha si David Bowie — isang agaw-atensiyong glam rocker at inward-looking experimentalist — at para sa pagbibigay-pugay sa kanyang buhay, nagsama-sama ang pinakamalalaking pangalan sa music industry para ipagdiwang ang kanyang malayang diwa.

Pagkaraan ng halos tatlong buwan simula nang biglaang pumanaw si Bowie sa inilihim na pakikipaglaban sa cancer, binigyang-pugay ang rock legend ng ilan sa napakaraming musician na naimpluwensiyahan niya, sa dalawang sold-out night sa New York.

Gayunman, ang concerts ay hindi tinampukan ng mga obligadong covers sa mga awitin ni Bowie, na marami ang hindi pa pinatutugtog. Para sa angkop na paggunita kay Bowie — na nanatiling cutting edge hanggang sa huli sa halip na maging tipikal na matandang rakista — naghanap ng naiibang mga paraan ang artists upang maipagdiwang ang kanyang mga kontribusyon sa musika.

Itinanghal ni Michael Stipe, ng bandang R.E.M., ang isa sa pinakamagagandang performances nang gabing iyon sa Ashes to Ashes na ginawa niyang piano ballad. Ang Ashes to Ashes ay awiting pinasikat ni Bowie noong 1980 na nagpakilala sa kanya sa mainstream pop.

Tsika at Intriga

'DJ,' nabanggit ni Kathryn Bernardo sa Family Feud

KAWANGGAWA

Layunin sa unang araw ng tribute sa Carnegie Hall nitong Marso 31 na lumikom ng pera para sa mga music program sa mga eskuwelahan at nagkataong ibinenta ang mga ticket ilang minuto ang nakalipas nang pumanaw si Bowie noong Enero 10.

Nagdagdag ang mga organizer ng isa pang gabi ng pagtatanghal sa Radio City na halos magkapareho ang lineup, at inihayag na nakalikom ang dalawang concert ng mahigit $300,000.

Ini-release ni Bowie ang kanyang huling album, ang Blackstar, sa kanyang ika-69 na kaarawan at dalawang araw bago siya pumanaw. Bagamat may iniindang sakit, isa ang album sa most experimental ng singer dahil pinili niya ang mahirap na jazz, at mistulang nakipagkumpetisyon ang boses niya sa saxophone.

Ang pinili niyang saxophonist sa Blackstar, si Donny McCaslin, ang gumitna sa entablado ng Radio City para magtanghal ng Lazarus, isa sa mga awiting laman ng Blackstar. Pero dahil wala ang boses ni Bowie, tanging ang richly toned tenor sax ni Donny ang pumailanlang sa concert, at umani ito ng standing ovation.

Itinanghal naman ng nina Anna Calvi at Amanda Palmer ang Blackstar, 10-minutong awitin tungkol sa karahasan at relihiyon.

GLAM PROVOCATEURS

Sa cover ng Life on Mars?, nakasuot ng scarf na may flashing neon ang frontman ng Flaming Lips na si Wayne Coyne habang pasan ng isang lalaking nakasuot ng Chewbacca costume.

Isa pang experimental rocker, si Joseph Arthur, ang nagtanghal ng The Man Who Sold the World, habang may kani-kanya ring covers ang mga bandang Blondie at The Pixies, at si Perry Farrell ng Jane’s Addiction, gayundin ang jazz fusionist na si Esperanza Spalding, at si J. Mascis ng Dinosaur Jr.

Bagamat sa New York nanirahan sa mga huling sandali ng kanyang buhay, pinili ng pamilya ni Bowie na huwag makibahagi sa alinmang public memorial at, batay sa kanyang last will, planong ikalat ang kanyang abo sa Bali, Indonesia. (Agencé France Presse)