Inireklamo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Commission on Elections (Comelec) ang mga opisyal at tanod ng tatlong barangay matapos na pigilan ng mga ito ang mga tauhan ng ahensiya sa pagbabaklas ng illegal campaign materials sa kanilang lugar.
Bagamat tumangging pangalanan, sinabi ni Rod Tuazon, hepe ng MMDA Oplan Baklas, na ang mga inireklamong opisyal ng barangay ay mula sa Caloocan City, San Juan City at Quezon City.
“Tinakot pa ng ilang tagasuporta ang aming tauhan na nagbabaklas ng mga election campaign material,” pahayag ni Tuazon sa panayam ng radyo DzBB.
Subalit ipinauubaya ni Tuazon sa Comelec kung anong kaso ang ihahain laban sa mga naturang barangay official.
Hanggang nitong nakaraang linggo ay nakakolekta ang MMDA ng 18 truck o katumbas ng 113.47 cubic meter ng binaklas na campaign materials sa Metro Manila.
Malaking bulto ng mga binaklas na campaign materials ay nakolekta sa Maynila at Quezon City.
Mula sa 100 tauhan, umabot na ngayon sa 250 ang kawani ng MMDA na nagbabaklas ng mga ilegal na poster, streamer, at tarpaulin ng mga kandidato sa Metro Manila. (Anna Liza Villas-Alavaren)