Nagkaisa ang mga senador sa panawagang magpaliwanag ang airport authorities kung bakit hindi gumana ang generator set ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal nang mawalan ng kuryente ang pasilidad, na naging kalbaryo ng libu-libong pasahero makaraang tumagal ng halos limang oras.

Naniniwala si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel na posibleng may iregularidad sa pagbili at pagmamantine sa mga generator set kaya hindi agad gumana ang mga ito, lalo na nang mawalan ng supply ng kuryente ang NAIA Terminal 3.

“Yes, total incompetence and maybe there is corruption that would be uncovered here. Why did the generators, which on paper, are already there not working?” pahayag ni Pimentel sa text message.

“Were these bought as brand new but actually already used or second hand? Or if really brand new how come they easily break down?” tanong ng senador.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Bukod sa pagkakaantala ng flight, marami ring pasahero ang nanakawan ng gamit sa gitna ng kadiliman na bumalot sa paliparan mula 8:45 ng gabi nitong Sabado na tumagal hanggang 2:00 ng umaga ng Linggo.

Mahigit 80 flight ng Cebu Pacific ang kinansela rin dahil sa kawalan ng kuryente sa NAIA Terminal 3.

Samantala, kinuwestiyon din ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang kakulangan sa contingency measure mula sa hanay ng mga opisyal ng NAIA.

Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi maaaring gamiting dahilan ng mga airport official ang kakulangan sa pondo sa nangyaring blackout.

Aniya, nakakolekta ang gobyerno ng P9.3 bilyon mula sa mga pasahero noong 2014 na sobra pa sa kakailanganin upang magarantiya ang patuloy na supply ng kuryente, o kaya ay pambili ng mga emergency power generator.

Mula sa P9.3 billion gross income noong 2014, nakapagtala ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng net profit after tax na P3.06 bilyon, ayon pa kay Recto. (HANNAH L. TORREGOZA)