Pinalugitan ng hanggang Biyernes, Abril 8, ang buhay ng tatlong dayuhan at isang Pilipina, na dinukot ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Samal Island sa Davao del Norte, kung hindi maibibigay ang ransom na hinihingi ng bandidong grupo.

Nagbanta ang Abu Sayyaf na kung hindi mababayaran ang hinihingi nilang ransom ay pupugutan nila ang mga bihag.

Iniulat ng AFP na humihingi ang Abu Sayyaf ng P1-bilyon ransom para sa bawat isa sa mga bihag na sina John Ridsel at Robert Hall, kapwa Canadian; Kjartan Sekkingstad, Norwegian; at Maritess Flor.

Ito ang napag-alaman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), batay sa video na inilabas ng Abu Sayyaf nitong Marso 8, na nagpapalugit sa hanggang Abril 8 para maibigay ang hinihingi nilang ransom kapalit ng kalayaan ng apat na bihag.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Gayunman, muling nanindigan ang militar na mahigpit nilang ipinatutupad ang “no ransom” policy ng gobyerno kaugnay ng mga pagdukot.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato, hanggang ngayon ay wala pa ring nakukuhang impormasyon ang militar kaugnay ng kalagayan ng mga biktima, na dinukot mula sa isang resort sa Samal Island noong Setyembre ng nakaraang taon.

Nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operation ng militar para mailigtas ang apat na bihag. (FER TABOY)