DEKADA ‘90 nang madalas akong mapadpad sa Tanay, Rizal. May 35 kilometro ang layo sa Metro Manila, halos lahat ng kalsada noon papuntang Tanay ay baku-bako pa at mabibilang pa sa daliri ang mga establisimiyento na nakahanay sa tabi ng lansangan.
Marami pang baka, kalabaw at manok na namamataan sa mga bahay-bahay.
Doon dating ginaganap ang national rally series na karera ng mga kotse na dumaraan sa mga lubak-lubak na kalsada.
At noon ako’y nagsilbing co-driver ng ilan sa pinakamagagaling na rally champions sa bansa kaya maraming magagandang alaala ang nakabaon sa aking puso hinggil sa Tanay.
Fast forward tayo sa 2016.
Ngayong konkreto na ang halos lahat ng kalsada sa Tanay, wala nang car rally event subalit nagdagsaan naman ang mga motorista na hindi lamang nilalasap ang magagandang tanawin, sariwang hangin, at malamig na klima, kundi ang masarap at maginhawang pagmamaneho.
Mistulang mga kabute, nagsulputan din ang mga resort na may swimming pool, adventure trail at scenic spots.
Dinarayo rin maging ang pagkasarap-sarap na Bulalo ng Tanay.
Bukod sa pagbabakasyon tuwing weekend, isa pang sektor ang madalas lumusob ngayon sa Tanay dahil sa maayos na kondisyon ng kalsada – ang mga motorcycle at bicycle rider.
Tuwing Sabado at Linggo, mistulang mga langgam ang mga motorsiklo na dumarayo sa Tanay.
Naka-single file habang humaharurot, tinatamasa nila ang pagmamaniobra sa mga kurbada na akala nila sa sarili ay nasa Isle of Man sa France na sila’t nakikipagkarera.
At hindi lamang ito ordinaryong kurbada. Andiyan ang kurbada sa paahon at kurbada sa palusong. Nakagigigil umupak!
Ito ang dahilan kung bakit marami sa hanay ng mga motorcycle rider ang nasaktan o namatay matapos sumemplang sa ilang accident prone area sa Tanay national highway.
Ipagtanong ninyo sa mga residente sa lugar at sila mismo ang magsasabing linggu-linggo ay may “inaalay” na buhay sa Tanay dahil sa barumbadong pagmamaneho ng motorsiklo sa akalang sasantuhin sila ng mga kurbada.
Ingat lang, mga amigo.
Relax and let’s just enjoy the ride! (ARIS R. ILAGAN)