SAN ANTONIO (AP) — Kung napigilan ang ratsada ng Golden State Warriors, nanatili namang moog sa tibay ang kampanya ng San Antonio Spurs.
Ratsada si Kawhi Leonard sa natipang career-high 33 puntos, habang kumubra si LaMarcus Aldrige ng 31 puntos at 15 rebound sa 102-95 panalo ng Spurs kontra Toronto Raptors nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Naitala ng Spurs ang franchise-record na 64 na sunod na panalo.
Dominante ang San Antonio na hindi nakatikim ng paghahabol sa kabuuan ng laro para malagpasan ang dating season record na 63 sunod na panalo noong 2005-06 season. Nahila rin ng Spurs ang NBA-record home winning streak ngayong season sa 39.
Sumabak ang Raptors na wala ang dalawang pangunahing player na sina Kyle Lowry at DeMar DeRozan na binigyan ng day off ng coaching staff.
TRAIL BLAZERS 110, HEAT 93
Sa Portland, Oregon, nailista ng TrailBlazers ang ikapitong sunod na panalo nang daigin ang Miami Heat.
Nanguna si C.J. McCollum sa Portland sa natipang 24 na puntos, tampok ang 6-of-6 sa 3-point.
Sa kabila ng kabiguan, nasungkit ng Heat ang playoff spot matapos matalo ng Detroit Pistons ang naghahabol na Chicago Bulls, 94-90.
Kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto ang Blazers sa Western Conference, ngunit hindi pa pormal ang pagsungkit nila sa playoff berth.
Hataw si Hassan Whiteside sa Heat sa 21 puntos at 13 assist.
PISTONS 94, BULLS 90
Sa Chicago, pormal na sinibak sa playoff race sa Eastern Conference ang Chicago Bulls nang maungusan ng Detroit Pistons.
Nagsalansan ng 22 puntos si Reggie Jackson, habang kumubra si Tobias Harris ng 21 puntos para mabalewala ang kauna-unahang career triple-double ni Detroit guard Jimmy Butler – 28 puntos, career high 17 rebound at 12 assist.
PACERS 115, 76ERS 102
Sa Philadelphia, ginapi ng Indiana Pacers, sa pangunguna ni C.J. Miles na humakot ng 25 puntos, ang Sixers para angkinin ang No.8 spot sa Eastern Conference playoff.
Ratsada rin si Paul George sa nakubrang 20 puntos, walong rebound at pitong assist.
KINGS 115, NUGGETS 106
Sa Denver, nawalis ng Sacramento Kings ang three-game season match kontra Denver Nuggets.
Nanguna si Rudy Gay na may 25 puntos at siyam na rebound, habang kumana si Seth Curry ng 17 puntos sa Kings.