Ni Gilbert Espeña
Hindi binigo nina Vic ‘Vicious’ Vic Saludar at Jake Bornea ang kanilang mga kababayan matapos magwagi sa kani-kanilang international title defense sa ‘Kambal na Kamao’ fight card kahapon, sa Oval Plaza gym sa General Santos City.
Ginapi ni Saludar ang matikas na si Lito Dante via unanimous decision para mapanatili ang WBO Asia-Pacific minimumweight title.
Nakuha ni Saludar ang pabor na iskor mula sa mga huradong sina Salven Lagumbay at Edward Ligas (99-91) at Brembot Dulalas (100-90).
Nilupig naman ni Borneo ang challenger na si Renerio Arizala upang mapanatiling hawak ang kanyang WBO Asia-Pacific Youth flyweight title sa bisa rin ng unanimous decision.
Nilansi ni Bornea ang katunggali sa pagpapalit-palit ng stance mula sa pagiging kaliwete patungong kanan o orhodox srtyle. Nasaktan niya si Arizala gamit ang matinding body shot sa 2nd round at ipinagpatuloy ang pagbayo sa bodega ng kalaban hanggang sa huling tagpo ng nasabing round.
Tinangka pa ni Arizala na kayahin ang mala-bagyong pag-atake ng kampeon sa kanyang katawan ngunit mas naging aktibo si Bornea sa pagpapakawala ng mga bigwas.
Bagamat nakipagsabayan hanggang sa huling round, halatang lamang pa rin si Bornea dahil nakakuha ng lakas ang 20 anyos na tubong Arakan, Norh Cotabato mula sa maingay na suporta ng kanyang mga tagahanga.
Nakuha niya ang iskor sa mga hurado na sina Salven Lagumbay at Romar Embodo (97-93) habang ibingay ni Romy Fordaliza ang 96-94 para sa kampeon.