SA araw na ito noong 1960, natamo ng Senegal ang kalayaan nito makalipas ang tatlong siglo ng pananakop ng France. Ang araw ay karaniwan nang tinatampukan ng talumpati ng presidente, at ng mga parada ng puwersang militar at pulisya ng Senegal na nagmamartsa sa mga kalsada ng Dakar, ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng bansa.

Opisyal na kinikilala bilang Republika ng Senegal, matatagpuan ang bansa sa kanlurang Africa, nahahangganan ng Mauritania sa hilaga, sa silangan ay Mali, sa timog ay naroon ang Guinea at Guinea-Bissau, at nasa kanluran nito ang Atlantic Ocean. Ayon sa kuwento, nakuha ng bansa ang pangalan nito mula sa ilog na umaagos sa pagitan ng mga hangganan nila sa hilaga at sa silangan, na lumikha ng hangganan sa Mauritania at Mali. Ang ibang salaysay naman ay tumutukoy sa makatang etimolohiya ng mamamayang Wolof na nagsasabing hinango ang pangalan ng bansa sa lokal na terminong Sunugal, na nangangahulugang “our dugout canoe” (ang lahat ay nasa iisang bangka).

Kilala ang bansa sa mayaman nitong pamana ng musika, partikular ang mbalax. Ang mbalax ay ang pagsasama-sama ng popular na musikang Kanluranin at ng mga sayaw na gaya ng jazz, soul, Latin, at rock na sinangkapan ng sabar, ang tradisyunal na musika ng pagtatambol at sayaw ng Senegal. Ang tawag sa uring ito ng musika ay pinaniniwalaang nagmula sa matinding paggamit ng mga akompanyang ritmo na ginagamit sa sabar at tinatawag na mbalax. Gaya ng mga Pilipino, kilala ang mga Senegalese sa kanilang mainit na pagtanggap sa mga panauhin (Terranga) at pagiging bukas ang isip. Ang bansa ay sagana sa pamanang kultura at kinikilala bilang huwaran ng demokrasya sa Africa.

Mabuti ang ugnayan ng Senegal sa mga kapit-bansa nito, at maging sa mga bansa sa Kanluran, partikular na ang France at United States. Respetado ito sa maraming pandaigdigang organisasyon at naging kasapi ng UN Security Council noong 1988-1989. Nahalal ang bansa sa UN Commission on Human Rights noong 1997. Ang bansa ay bahagi ng Economic Community of West African States (ECOWAS). Miyembro rin ang Senegal ng African Union (AU) at ng Community of Sahel-Saharan States. Bagamat isang bansang Muslim, ang bansa ay “tolerant secular state whose peoples have lived together peacefully for several generations… The majority of the people adhere to the traditional values of Kersa (paggalang sa kapwa) and Tegin (mabuting pag-uugali).”

Ang merkado ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa agrikultura. Ang limitadong pag-unlad na natamo ng bansa simula nang maging malaya ito ay sinisisi sa madalas na tagtuyot na madalas na magpalugmok sa ekonomiya nito. Kabilang sa pinakamahahalagang tanim ng Senegal ang millet at sorghum. Inaangkat ang malaking bahagi ng bigas nito. Lokal naman ang produksiyon ng bulak, bigas, asukal, at market-garden.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republika ng Senegal, sa pangunguna nina President Macky Sall at Prime Minister Mohammad Abdallah boun Dionne, sa pagdiriwang nila ng Pambansang Araw.