Ni Angie Oredo
STA. ROSA, Laguna – Ipinamalas muli ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance kung bakit siya ang tinanghal na Mindanao Leg champion matapos angkinin ang criterium race sa unang yugto ng 2016 Ronda Pilipinas Luzon Leg kahapon, sa Paseo de Sta. Rosa.
Halos winalis ng 30-anyos mula Marikina na si Morales ang lahat ng nakatayang kategorya at puntos na makukuha mula sa sprint at local hero upang agad na ipadama ang matinding pagnanais na makapagtala ng kasaysayan sa prestihiyosong karera na hatid ng LBC Express.
Agad na umarangkada si Morales sa pagsisimula ng karera na sinalihan ng kabuuang 45 riders upang kontrolin ang karera sa pinakamabilis na tiyempo na isang oras, walong minuto at 05.37 segundo para muling isuot ang simbolikong red jersey bilang overall leader.
Nagparamdam rin ang LBC/MVPSF team captain na si George Luis Oconer , pumangalawa sa tiyempong 1:09:30.30. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa torneo na pumangalawa ang hindi miyembro ng Navy sa leg race.
Pangatlo si Rudy Roque ng Navy (1:09:33.19), habang ikaapat si Rustom Lim ng LBC (1:09:38.74), habang bumuntot sina El Joshua Carino ng Navy (1:09:40.00), Ronald Lomotos ng LBC (1:09:51.78), at Julius Mark Bonzo ng LBC (1:10:06.09).
Kinumpleto ang top 10 nina Joel Calderon ng Navy (1:10:07.64), Jerry Aquino Jr ng LBC (1:10:08.82), at si Ronnilan Quita ng LBC (1:10:08.86).
Sopresa namang hindi napabilang sa top 10 si Visayas leg champion Ronald Oranza.
Isusuot ni Morales ang simbolikong red jersey bilang overall leader habang mapupunta naman ang Sprint o Green Jersey sa pumangalawang si Rudy Roque. Ang Yellow Jersey o best local hero o local finisher ay isusuot ni Oconer.
Agad naman magtutungo ang karera para sa Stage Two na Individual Time Trial na magsisimula sa Talisay City at magtatapos sa Tagaytay City.