DAHIL sa limang oras na brownout sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), lalong hindi nakaahon ang naturang paliparan sa taguring “worst airport in the world”. Ang nakadidismayang pangyayaring ito ay naglalarawan sa kapalpakan ng pamamahala sa binansagan pa namang premier airport ng bansa.
Sa kabila ng pagpapaliwanag ng mga awtoridad ng NAIA, lalong tumibay ang paniniwala ng libu-libong stranded passengers—kabilang na ang ilang kapatid natin sa media—na ang naturang paliparan nga ang pinakapalpak o pinakamalalang airport sa buong mundo. Isipin na lamang na sa loob ng limang oras, sinakmal sila ng kadiliman sa loob ng mala-impiyernong paliparan; mistulang mga bulag na kinakapa-kapa ang kanilang paligid; katakut-takot na nerbiyos ang inabot, lalo na ng mga may bahagyang karamdaman.
Masyadong nakapanggagalaiti ang mga ulat na ang ilan sa mga pasahero ay ninakawan pa ng mga bagahe. Naibalik ang ilang kargamento subalit ang mga ito ay nabuksan at nawala ang mahahalagang bagay. Ang gayong pagkalito at kaguluhang naghari sa paliparan ay lalong nagpagalit sa mga pasahero.
Hindi lamang ngayon, kung sabagay, nangyari ang gayong mga insidente. Matagal nang nalantad sa matinding kahihiyan ang ating bansa dahil sa kasuklam-suklam na tanim-bala scandal. Hindi lamang mga kababayan natin, kundi maging ang mga dayuhang pasahero, ang naging biktima ng ilang tiwaling tauhan ng NAIA na walang inaatupag kundi mangulimbat at manggipit. Hindi maiiwasang hinalain na ang ganitong mga alingasngas ay kinukunsinti ng mga opisyal ng NAIA, lalo na ng Department of Transportation and Communication (DoTC).
Matindi ang epekto ng naganap na brownout sa NAIA sa mga pagsisikap tungo sa kaunlaran. Tiyak na magdadalawang-isip ngayon ang mga dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas upang pasyalan ang magaganda at nakabibighaning tourist destinations sa kapuluan. Idagdag pa rito ang mapanganib na kapaligiran na lalong pinagugulo ng mga rebeldeng grupo na laging naghahasik ng mga karahasan. Hindi ba laging sinasabi na ang Pilipinas ang pinakamapanganib na bansa hindi lamang sa mga turista kundi lalo na sa mga mamamahayag?
May panahon pa kaya upang makabangon ang gobyerno sa mga kapalpakan hindi lamang sa NAIA kundi maging sa ibang sangay nito sa pamamagitan ng balu-baluktot na pamamahala? (Celo Lagmay)