MATAPOS ang katahimikan na nangibabaw sa paggunita ng Semana Santa, nagsimula naman kinabukasan, Marso 26, ang political campaign o kampanya ng mga sirkero at payaso sa pulitika sa mga lalawigan, lungsod, at bayan sa iniibig nating Pilipinas. Batay sa itinakda ng Commission on Elections (Comelec), ang mga local candidate ay may 45 araw upang mangampanya. Ngunit, kahit ipinagbabawal ang pangangampanya hangga’t hindi sumasapit ang itinakdang araw ng political campaign, maraming pasaway na sirkero at payaso sa pulitika ang nanamantala.
Sa simula ng kampanya, tulad ng inaaasahan, ang mga supporter ng mga kandidatong mayor, vice mayor, at miyembro ng Sangguniang Bayan ay nag-house to house camapaign kasama ang mga kandidato na gustong maglingkod sa bayan. May mga sasakyan na rin, kung saan makikita ang mukha ng kandidato at may malaking speaker, na naglibut-libot sa bayan.
Pault-ulit na pinatutugtog ang political jingle ng kandidato. May maganda, may nakakaaliw pakinggan at mayroon din namang nakabubuwisit.
Sa paglibot sa kabayanan, kasabay na ang pamimigay ng political propaganda ng kandidato. Maging sa likod ng mga tricycle, nakasabit na ang tarpaulin ng pulitiko.
Sa simula ng kampanya ng mga local candidate, mabilis na nagsulputan ang naglalakihan at makukulay na tarpaulin ng mga kandidato sa mga tindahan, istratehikong lugar sa bayan, sabungan at purenarya. Maging ang mga bahay at simbahan ay hindi nakaliligtas sa mga sirkero at payaso sa pulitika.
May iba’t ibang anyo at mukha ang kampanya ng mga local candidate kapag nagsimula na ang kanilang pangangampanya. Sa gabi, ay ginagawa ang poltical rally sa harap ng munisipyo, plasa, covered court ng barangay o sa isang maluwag na lugar sa bayan o sa loob ng isang subdivision. Karaniwang tanawin din ang proklamasyon ng mga kandidatong gustong maglingkod sa bayan. Sabay-sabay itinataas ang mga kamay ng mga kandidato ng panauhing kandidatong sa pagka-gobernador at kongresista. Kasunod ang pagtatalumpati, ang paglalahad ng kanilang plataporma sa pamamahala at iba pang pangako na gagawin kapag binigyan ng pagkakataon na maglingkod. Sa pananaw naman ng iba nating kababayan, ang pangako ng mga kandidato ay mahirap paniwalaan sapagkat naniniwala sila ang kampanya sa pulitika ay panahon ng paglalako ng kasinungalingan at pagsasabi rin ng katotohanan.
Ang panahon ng kampanya ng mga local candidate sa mga bayan, lalawigan at lungsod ay sinasabing naiiba at natatangi lalo na kung mahigpit ang labanan ng mga kandidato. Hindi naiiwasang magkainitan ang mga lider at supporter ng sirkero at payaso sa pulitika. Kung minsan ay mismong kandidato pa nagbabatikusan o nagbabatuhan ng putik. At kung mga utak-pulbura ang pultiko at ang mga supporter, tinatamangan o pinapapatay pa ang kalabang kandidato.
(Clemen Bautista)