HINDI pa ako nakadadalo sa Pandesal Forum ng kolumnistang si Wilson See Flores na nasa panulukan ng Judge Jimenez St., at Kamuning Road sa Quezon City. Sa nasabing breakfast forum na puro pandesal ang menu, naging guests na sina ex-Pres. Fidel V. Ramos at senatoriables Bongbong Marcos at Sherwin Gatchalian, at ex-Justice Sec. Leila de Lima.

Dito, ayon sa report, pinag-uusapan ang mga isyu tungkol sa negosyo, pulitika at maging showbiz na dinadaluhan ng mga negosyante, pulitiko, artista at mamamahayag. Dahil nasa kainitan na ang bakbakan sa eleksiyon ng mga nagnanais na maging pangulo ng bansa, iba’t ibang uri naman ng pandesal ang iniaalok ng bakery sa mga customer at bisita.

Ang mga pandesal ay pinangalanang Pan de Poe, Pan de Binay, Pan de Roxas, Pan de Duterte at Pan de Miriam. Ayon sa may-ari ng Pandesal Forum, tinatawag daw niyang Kamuning Bakery’s Presidential Pandesal Survey ang mga nasabing pandesal. Sinabi niya na maging dito pala sa almusal na pandesal at kape, ang pinakamabili ay ang Pan de Poe at Pan de Duterte! Anyway, alin nga kaya sa mga tinapay na ito ang masarap?

Nakakita ng oportunidad si President Aquino na banatan ang media dahil sa umano’y pagiging makiling (bias) at sa hilig sa sensationalism sa pagbabalita. Ang pagbanat ay ginawa ng binatang Pangulo noong Miyerkules sa pagbubukas ng Publish Asia 2016 na inorganisa ng World Association of Newspapers and News Publishers na dinaluhan ng mga lokal at dayuhang mamamahayag.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa forum, binigyang-diin ni PNoy ang kahalagahan ng makatotohanang paghahatid ng mga balita, lalo na ngayong papalapit na ang eleksiyon, upang gabayan ang mamamayan sa tama, wasto at matalinong pagboto sa mga susunod lider ng bansa.

“Truth, intergrity and responsibility must not be compromised in the face of the apparent need for faster dissemination of information,” aniya. Kasabay nito, pinuna niya ang aniya’y “biased, speculative and inaccurate reporting, as well as the seeming lack of appetite for good news by media enterprises.”

Ang problema kay Mr. President ay kung bakit balat-sibuyas siya sa iniuulat ng mga mamamahayag gayong ang mga datos at pangyayari ay nakukuha lamang nila batay sa mga gawain, aksiyon at desisyon ng administrasyon, tulad halimbawa ng Mamasapano tragedy, halos araw-araw na pagtirik ng MRT-3, trapiko sa EDSA, eskandalo ng PDAF at DAP, laganap na kurapsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno, hindi niya pakikinig sa boses ng kanyang mga “BOSS” na tanggalin at sibakin ang mga inutil na cabinet secretary habang ginigipit naman niya ang mga kalaban sa pulitika na kinaasaran niya!

(Bert de Guzman)