Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdukot sa apat na Malaysian sa Semporna sa isla ng Sabah sa Malaysia.
Ayon sa Western Mindanao Command (WestMinCom), dakong 7:00 ng gabi nitong Biyernes nang dukutin ang mga biktima sa isla, at wala pang kumpirmasyon kung ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng insidente.
Sinabi ni Major Filemon Tan, tagapagsalita ng WestMinCom, na nakipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad sa Malaysia kaugnay ng insidente, at pinaigting pa ang kanilang intelligence gathering para matukoy kung saan dinala ang apat na Malaysian.
Batay sa report ng Malaysia, sapilitang dinukot ng nasa walong armadong lalaki ang mga biktima sa Semporna, Sabah, at isinakay sa speedboat.
Pawang tripulante ng Malaysian vessel na M/V Mas Five 6 ang mga biktimang sina Wong Teck Pang, 31; Wong Hung Song, 34; Wong Teck Chi, 29; at Johnny Lau Jung Hien, 21 anyos.
Nakaligtas naman sa nasabing pagdukot ang tatlong taga-Myanmar at isang Indonesian, na pawang hindi naisama ng mga suspek.
Nangyari ang pagdukot ilang araw makaraang kidnapin ng Abu Sayyaf ang 10 Indonesian crew na hinarang sa paglalayag sa Tawi-Tawi, at kasalukuyang bihag sa Sulu. - Fer Taboy