NAIBA ang anggulo ng mga teroristang pag-atake sa mundo sa pagsabog na pumatay sa 72 katao sa Lahore, Pakistan, nitong Linggo ng Pagkabuhay, Marso 27. Noon, ang mga pag-atake ng mga Islamist extremist ay sa mga bansa lamang sa Kanluran—partikular na sa Paris, France noong Nobyembre, at sa Brussells, Begium, nitong Marso 22. Sa harap ng mga pag-atake, pinaigting ng United States—ang kauna-unahang nabiktima ng matinding suicide attack sa pagwasak at pagpapaguho sa Twin Towers ng World Trade Center noong Setyembre 11, 2001—ang seguridad sa lahat ng siyudad nito, partikular na sa New York City at Washington, DC.
Nitong Linggo, ang pambobomba ay ginawa sa isang bansa sa Asia—ang Pakistan. Ang suicide bomber ay miyembro ng paksiyong Jamaat-ul-Ahrar ng Tehreek-Taliban Pakistan. Ang Taliban ang Islamic fundamentalist political movement na namayagpag sa kalapit na Afghanistan noong 1996-2001, hanggang sa mapatalsik ang grupo, sa tulong ng puwersang Amerikano, noong 2001. Nananatili pa rin itong aktibo hanggang ngayon sa ilang lugar sa Afghanistan at sa kabundukang hangganan nito sa Pakistan.
Piniling puntiryahin ng Taliban ang parke sa Lahore dahil Linggo ng Pagkabuhay at nangagtipon sa lugar bilang selebrasyon ang mga Kristiyanong Pakistani—isang maliit na minorya ng 1.6 na porsiyento sa halos lahat ay Muslim na 200-milyong populasyon. “Christians are our target,” ayon sa tagapagsalita ng Taliban at nagbabala ng mas marami pang pag-atake sa mga eskuwelahan, gayundin sa mga lugar na saklaw ng gobyerno at militar.
Tunay na mga Kristiyano ang pangunahing puntirya ng extremist Islamic group sa pag-atake sa Pakistan, ngunit nakaapekto rin ito ng malaki sa gobyerno ng Pakistan na walang kaugnayan sa rehiyon o secular government. Maraming iba pang bansa na may malalaking populasyong Muslim ang pinangangasiwaan ng mga secular government, gaya ng Saudi Arabia, Iraq, at ng iba pang estadong Arab sa Persian Gulf. Ang pambobomba sa Pakistan ay isang babala sa kanila na maaari rin silang atakehin anumang oras.
Sa Mindanao man ay mayroong mga organisasyong gaya nito, tulad ng Abu Sayyaf, na tuluyan nang idinistansiya ang sarili mula sa mas malalaking Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nagkaroon na ng kasunduan ang gobyerno ng Pilipinas sa MNLF, na ang mga opisyal ay namuno sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), at sa MILF na patuloy na isinusulong ang pagkakaroon ng Bangsamoro Autonomous Region.
Maaaring pakiramdam natin ay ligtas tayo sa bahaging ito ng mundo, malayung-malayo sa United States at sa Europa.
Ngunit dahil sa pambobomba sa Pakistan, napalapit sa ating baybayin ang posibleng panganib ng terorismo. Dapat na masaklaw ng pagpaplano natin sa seguridad ang posibilidad na ito.