LEGAZPI CITY - Idineklara kamakailan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang Albay bilang Biosphere Reserve, kasama ang 257,000 ektarya nitong “terrestrial and marine ecology” na protektado ng “pioneering and planned sustainable development strategies”.
Dahil d’yan, isa na ngayon ang lalawigan sa 669 na Biosphere Reserve sa mundo, na nasa 120 bansa. Isa rin itong natatanging lugar na maaaring pag-aralan sa “sustainable development” at “biodiversity conservation” para mapangalagaan ang likas na yaman.
Kinilala ang Albay bilang isa sa 20 bagong “protected World Network of biospheres” ng UNESCO, sa kumperensiya sa Lima, Peru, nitong Marso 18.
Pangatlo na ang Albay sa mga deklaradong Biosphere Reserve ng UNESCO sa Pilipinas, kahilera ang Palawan (1992) at Puerto Galera sa Mindoro (2002).
Dahil sa nabanggit na pagkilala, sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda, na nagsikap para maibuslo ng lalawigan ang deklarasyon ng UNESCO, kuwalipikado na ang Albay sa ayuda ng mga international funding agency, kasama na ang Green Climate Fund (GCF) ng United Nations Framework Convention on Climate Change na pinamunuan niya bilang co-chairman noong 2013-2014 bilang kinatawan ng Asia at ng mahihirap na bansa.
Bukod sa Biosphere Reserve designation, pasok din ang Bulkang Mayon sa tentative list ng mga World Heritage Site ng UNESCO.
Nakatulong nang malaki para makuha ng Albay ang pagkilala ang dedikasyon ng probisyon sa pangangalaga sa sariling “eco-system, biodiversity conservation and sustainable development”.