Dahil sa malinaw na kuha sa close circuit television (CCTV), kitang-kita ang pagtangay ng tatlong carnapper sa isang nakaparadang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng madaling araw.

Sa follow-up operation, nadakip si Rally Dollete, binata, ng Adelpa Street, Barangay 132, Bagong Barrio, ng nasabing lungsod, habang pinaghahanap pa ang dalawa niyang kasamahan na sina Alrhey Ticman at Nino Santiago.

Ayon kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan Police, kinarnap ng mga suspek ang Yamaha Mio 125 ni Rosel Superable sa No. 50 Mariano Street, Bgy. 133, Bagong Barrio, dakong 3:00 ng umaga.

“Lagi ko naman itong ipinaparada sa labas ng bahay namin kaya tiwala po ako na walang kukuha,” ani Superable.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Lingid sa kaalaman ng mga kawatan, may CCTV sa lugar at nakilala ang mga suspek.

Bandang 3:00 ng hapon, nilusob ng Anti-Carnapping Unit, sa pamumuno ni SPO3 Wilfredo Muyon, ang bahay ni Dollete at hindi na ito nakaporma nang posasan ng pulisya.

Sinabi ni Dollete na dinala nila ang motorsiklo sa bahay ni Ticman sa No. 344 General Concepcion St., Bgy. 132, Bagong Barrio, at hindi inabutan ng mga pulis ang dalawang suspek, pero naroon ang motorsiklo. (Orly L. Barcala)