Hindi umano dapat na magpaimpluwensiya sa mga survey ang mga botante sa pagpili ng iluluklok sa puwesto sa eleksiyon sa Mayo 9.

Pinaalalahanan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang mga botante na maging maingat sa pagpili ng mga ihahalal sa puwesto.

Giit niya, konsensiya, batay sa Ten Commandments, ang dapat gamiting gabay ng mga botante sa pagpili ng mga iboboto para maging susunod na leader ng bansa at hindi mga pre-election survey.

“You are called to be authentic Catholic voters who decide from prayer and conscience. You are called to take courage and make moral decisions. Your vote can make heaven come down and make our country beautiful and good as God desires it,” saad sa pastoral letter ni Villegas, na babasahin sa mga misang idaraos sa lahat ng simbahan sa Archdiocese of Lingayen-Dagupan sa Pangasinan simula ngayong Linggo hanggang sa Mayo 8, ang huling Linggo bago ang eleksiyon.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“We need inspired and inspiring leaders who can rally the nation beyond the horizon of our dreams,” aniya pa. “Be free from the tyranny and pressure of trends and herds. Do it right! Choose what is right according to the Ten Commandments.”

Idinagdag pa ng arsobispo na bagamat mahalagang katangian ng national leaders ang katalinuhan at competence, dapat rin namang alalahanin ng mga botante na nagkaroon na ang bansa ng matatalinong leader na kalaunan ay naging “thieves of government coffers, murderers of the opposition at billionaires from public funds.”

Higit, aniya, sa katalinuhan, ang kailangan ngayon ng bansa ang mga pinunong may takot sa Panginoon at matapang at tapat sa bansa at sa mamamayan.

“A Catholic cannot support a candidate who vows to wipe out religion from public life,” aniya pa.

Hindi rin, aniya, dapat na iboto ang mga kandidato na gumagamit ng mga pangit na pananalita at mga hindi karapat-dapat na lengguwahe, gayundin ang mga kandidatong may kasaysayan ng paglabag sa kanilang sinumpaang tungkulin dahil sa kawalan ng respeto sa Diyos. (MARY ANN SANTIAGO)