Drew at Will copy

TAPOS na ang relasyon nina Drew Barrymore at Will Kopelman bilang mag-asawa.

Ang 41 taong gulang na aktres at ang kanyang art consultant husband ay nagdesisyong maghiwalay pagkaraan ng halos apat na taong pagsasama bilang mag-asawa, kinumpirma ng ET Online. Ang mag-asawa, na ikinasal noong Hunyo 2, 2012, ay nabiyayaan ng dalawang anak na babae: ang tatlong taong gulang na si Olive, at isang taong gulang na si Frankie.

Bagamat wala pang inihahaing papeles, may isang source na nakapagsabi sa ET na ang hiwalayan ay nangyari noon pang Oktubre 2015.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang Page Six ang unang nag-ulat ng hiwalayan nina Barrymore at Kopelman, na lumabas isang araw matapos ibahagi ni Barrymore ang kanyang tattoo na pangalan ng dalawa niyang anak. At ito ay may caption na: “Getting a great little lifetime note on my arm.”

Huling namataang magkasama ang dalawa noong Enero 25, nang dalhin nila si Olive sa L.A. Farmers Market sa Studio City, California. Bago iyon, dumalo silang magkasama sa Plates for Pediatrics dinner para sa New York-Presbyterian Komansky Center for Children’s Health.

Gayunman, kamakailan ay nakikita sila sa magkakaibang lakad. Si Kopelman ay namataang masayang-masaya habang kasama ang anak na si Frankie sa The Grove sa L.A. noong Marso 14, habang si Barrymore — suot pa rin ang band sa kanyang ring finger — ay namataan nitong Huwebes kasama ang isang kaibigan na namimili sa Beverly Hills.

Nagdiwang sila ng kanilang ng ikatlong anibersaryo nitong summer, at nag-post din si Drew sa Instagram ng, “Happy anniversary Mr. Kopelman, cheers to you! I love you and I love our daughters !!!!!!! #threeyears”.

Ito na ang ikatlong kasal ng Charlie’s Angels star, una kay Jeremy Thomas na nakahiwalayan niya noong 1994 pagkatapos ng halos dalawang buwang pagsasama, at noong 2001 naman kay Tom Green pagkaraan ng limang buwan mula nang ikasal.

Hiningan ng ET ng komento ang tagapagsalita ni Barrymore.

“It was never really love at first sight,” pahayag ni Barrymore sa InStyle nitong Oktubre. “Will struck a lot of my pragmatic sides. He was someone who was always reachable on the phone, someone who was a classy human being, someone who had this incredible blueprint of a family that I don’t have.

“At the same time, what I love about him is that he embodies the power of choice,” dagdag ng aktres. “He chooses to be a good person every day.” (ET Online)