Tulad ng inaasahan, nakamit ng De La Salle lady Spikers ang ‘twice-to-beat’ na bentahe sa Final Four matapos gapiin ang bokyang University of the East, 3-0, kahapon sa pagtatapos ng UAAP Season 78 women’s volleyball elimination sa MOA Arena sa Pasay City.
Kung mabibigo ang Ateneo Lady Eagles sa laro laban sa Adamson Lady Falcons, makakamit ng Lady Spikers ang top seeding. Tabla ang magkaribal na koponan sa 9-2 bago ang krusyal na laro kahapon.
Nakamit naman ng Adamson University at National University ang target nilang semifinals berth makaraang gapiin ang kani- kanilang mga katunggali sa men’s volleyball action.
Ginapi ng Falcons ang University of the East, 25-19, 25-18, 21-25, 25-17 para sa ikasiyam na panalo kontra tatlong talo.
Nanguna sa Falcons si Michael Sudaria na nagposte ng 21 puntos.
Winalis naman ng Bulldogs ang nakatapat na Far Eastern University, 28-26, 25-18, 25-20 upang makopo ang ikasiyam na panalo sa 13 laro.
Umiskor ng 15 hit at dalawang block para sa kabuuang 17 puntos si Madzlan Gampong, habang nagdagdag naman ng 11 puntos si Francis Saura upang manguna sa nasabing panalo ng NU.
Sanhi ng pagkatalo, nanatiling walang panalo ang Red Warriors matapos ang 12 laro habang bumaba naman ang Tamaraws sa barahang 6-7. (Marivic Awitan)