MAGDADALAWANG dekada na sa ABS-CBN si Boy Abunda. Hindi na mabilang ang mga nagawa niyang TV shows sa network. Pero ang hindi nakakalimutan ng mga tao at laging itinatanong sa kanya ay ang The Buzz at kung kailan ito babalik sa ere.
“Siyempre, nami-miss ko rin naman pero excited din ako na gumawa ng ibang klase namang showbiz talk shows. Pero sa totoo lang, ang nakakatuwa, I go to places at laging ‘tinatanong sa akin kung kelan babalik ang Buzz.
“Kasi sa totoo lang naman, eh, ang daming taong lumaki sa henerasyon ng Buzz, hangga’t nagbago nga ‘yung pamamaraan ng ating pakikipag-usap ng ating pagbabalita,” sabi ni Kuya Boy na kapipirma ng panibagong kontrata sa ABS-CBN.
Naniniwala ang King of Talk na may malaking pagbabago na sa paraan ng pagbabalita ng showbiz talk shows.
“Hindi lamang ‘yun pag-ayon sa panahon pero pagdiskubre din kung paano na tayo mababalitaan dahil, imagine, nu’ng ginawa ang Buzz 18 years ago, kung 40 years old ka pang noon, eh, pang-senior citizen ka na ngayon. So, may malaking pagbabago na talaga.
“Of course, may social media na, telebisyon, diyaryo, so, kailangan fresh ‘yung pananaw mo kung paano kayo maging relevant sa isa’t isa and how you can be happy together,” dugtong pa ni Sir Boy.
Bukod sa Tonight With Boy Abunda, Bottomline at Inside Cinema ay may nakaplano pa ring shows ang ABS-CBN para kay Boy. Pinag-usapan na nila ang mga iyon ng ABS-CBN management, at sinisimulan nang iprodyus ang ilang episodes.
“Sa ngayon, we were doing a number of episodes, investigative show, excited na ako dito. And then part din dito, eh, ‘yung online show that I will be anchoring, so bago ‘yun. Exciting dahil for now hindi ko pa alam kung ano’ng mangyayari,” lahad pa rin ng TV personality na walang makakatalo pagdating sa pakikisama sa mga manunulat sa showbiz.
Bukod sa ABS-CBN management, staff and crew, malaki rin ang pasasalamat ni Boy Abunda sa mga manonood. At siyempre, sa kanyang ina at lahat ng mga ina.
“Maraming salamat sa aking mga bosses dito sa ABS, sa kanilang tiwala. Maraming salamat sa sambayanang Pilipino sa walang sawang suporta nila sa aming mga palabas, lalo na sa mga nanay na alam kong solid na solid sila sa akin,
“Sa tinagal-tagal ko dito sa business na ito, sabi ko nga, even if you don’t remember what I said, even if you don’t remember what I did as a talk show host, for as long as you know when people come to me and say, ‘I have come to a point in my life when I appreciate more my mother and I’m making my nanay proud because you keep on reminding us’, para sa akin, okey na ako,” may pagmamalaking sabi pa ni Boy Abunda. (JIMI ESCALA)