Nagsalitan ang mga senador sa pagkondena sa umano’y marahas na dispersal ng awtoridad laban sa mahigit 5,000 magsasaka na nagdaraos ng kilos-protesta sa Kidapawan kahapon ng umaga, na isa ang naiulat na namatay habang mahigit 10 iba pa ang sugatan.

“The situation calls for authorities and concerned agencies to immediately investigate and resolve this case, and bring to justice those responsible,” ayon kay Sen. Grace Poe, Partido Galing at Puso standard bearer.

Sa halip na pagkalooban ng tulong dahil sa matinding pinsalang idinulot ng El Niño phenomenon sa kanilang palayan, sinabi ni Poe na pinagkaitan pa ng karapatan ang grupo ng magsasaka na magsagawa ng demonstrasyon dahil sa umano’y kapalpakan ng administrasyong Aquino.

Nagtayo umano ng barikada ang mga magsasaka, kabilang ang ilang menor de edad at kababaihan, sa pamamagitan ng paghiga sa gitna Makilala-Kidapawan highway sa Kidapawan City kaya hindi nadaraanan ang mga sasakyan nitong nakaraang tatlong araw.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Bukod sa pagpapaputok umano ng mga M-14 rifle, inakusahan din ng mga raliyista ang pulisya ng pagbobomba ng tubig sa kanilang hanay, na karamihan ay miyembro ng Apo Sandawa Lumadnong Panaghiusa sa Cotabato.

Dahil sa epekto ng mahabang tagtuyot sa kanilang pananim, hiniling ng grupo sa gobyerno na mapagkalooban sila ng 15,000 sako ng bigas subalit inalok lang sila ng tatlong kilo kada tatlong buwan.

Personal ding nagtungo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, pambato sa pagkapangulo ng PDP Laban, upang makisimpatya sa mga magsasaka na biktima ng civil disturbance management operations.

Mariin namang itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na tinangka nilang ipatupad ang maximum tolerance subalit pinagbabato umano ng mga raliyista ang mga pulis.

“We note, however, that two of our own police officers are under critical condition due to head trauma, reportedly due to attacks initiated from the assembled crowd,” saad sa pahayag ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP. (HANNAH L. TORREGOZA at JONATHAN SANTES)