Nangako ang LBC-MVP Sports Foundation rider, sa pangunguna nina George Oconer at Rustom Lim, na babawi sa nasayang na pagkakataon sa pagsikad ng ikatlo at pinakahuling yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2016 na Luzon Leg na magsisimula bukas sa Paseo de Santa Rosa at magtatapos sa Baguio City sa Abril 9.

Inaasahang magpapakitang gilas si Oconer para makaagapay sa naging kampanya sa unang dalawang leg kung saan nabitiwan niya ang pagkakataon na maging kampeon matapos magtapos sa labas ng top 10.

Gayunman, ang anak ng dating two-time Olympian na si Norberto, ay nangako na gagawin ang lahat upang makabawi sa kanyang malamyang pagsikad.

"Gagawin ko ang lahat para makabawi,” sabi ni Oconer.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matatandaan na mas maganda ang ipinamalas ni Lim matapos itong pumangatlo sa overall ng Visayas leg nang magwagi sa ikalima at huling stage sa Roxas City upang agad na itala ang sarili bilang isa sa mga paborito na pigilan ang nais na pagwawalis muli ng kalabang team Navy.

Isa pang LBC-MVPSF rider na babantayan si Ronnilan Quita mula sa San Jose, Tarlac na mula kung saan biglang nanggulat sa pagtapos sa ikalawang puwesto sa likod ni 2009 Tour champion Joel Calderon ng Navy sa Stage Four sa Roxas City.

"Pinaghahandaan ko po na makakuha ng isang stage para makapagtala ng sarili kong pangalan sa karera,” sambit ng 21-anyos na si Quita na una nang nagpahayag na kanyang gagamitin ang sports na cycling para makapag-aral at mabigyan ang sarili at mga kapatid ng tamang edukasyon matapos tumigil bunsod ng kahirapan.

Subalit, inaasahang mahihirapan ang LBC-MVPSF dahil nakatuon ang Navy na tuluyang walisin ang lahat ng titulo sa karera na inorganisa ng LBC Express.

Dahil sa disiplina at samahan, dinomina ng Navy ang unang dalawang yugto kung saan nagwagi si Jan Paul Morales sa Mindanao Leg noong Pebrero bago sinundan ni Ronald Oranza sa Visayas nitong Marso.

Tila wala ring makakapigil sa Navy para ipagpatuloy ang dominasyon.

"Iyan talaga ang rason kaya kami nagpapakahirap at nagtatrabaho ng matindi.” pahayag ni Navy team playing team captain Lloyd Lucien Reynante.

Matapos ang Paseo Stage One criterium, ang karera ay magtutungo sa Stage Two Individual Time Trial (ITT) na magsisimula sa Talisay City sa Batangas at magtatapos sa dinarayo na Tagaytay City. Host ang Antipolo City sa Stage Three criterium sa Abril 6 bago tapusin ang LBC Ronda ng panghuling yugto na Stage Four road race simula Dagupan City, Pangasinan paakyat sa Baguio sa Abril 8, at isa pang criterium sa Baguio sa Abril 9.

Ang karera na inorganisa ng LBC Express ay sanctioned ng PhilCycling, sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.