Personal na nagtungo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang taxi driver na “nagparaos” umano sa harap ng kanyang pasaherong babae, upang pabulaanan ang akusasyon.
Iginiit ni Raul Lumadilla, driver ng RLC Ubercabs taxi (AAM 9783) kay LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton na hindi siya “nagsariling-sikap” nang bababa na sa sasakyan ang complainant na itinago sa pangalang “Maria” at dalawang kaklase nito, sa tapat ng kanilang eskuwelahan sa Katipunan Road, Quezon City, nitong Marso 30.
Sa halip, sinabi ni Lumadilla na siya ay “umihi” sa bote ng mineral water dahil hindi na niya ito matiis, matapos siyang maipit sa matinding trapiko.
Marahil, ayon kay Lumadilla, napagkamalan ni Maria na nagma-masturbate siya nang hawakan niya ang kanyang ari upang makaihi sa bote ng mineral water sa loob ng taxi.
Dahil sa matinding galit, hindi na napigilan ni Maria ang kanyang emosyon at sinampal si Lumadilla. Sa kabila nito, humingi pa rin ng paumanhin ang taxi driver sa dalaga at sa pamilya nito.
Sinabi ni Inton na hindi nagtutugma ang kuwento nina Maria at Lumadilla.
Itinakda ni Inton sa Abril 6 ang susunod na pagdinig sa insidente. (Czarina Nicole O. Ong)