HINDI namin matanggihan ang imbitasyon ng isang kaibigang pulitiko na may konek din naman sa showbiz para dumalo sa proclamation rally ni Mayor Joseph Estrada sa Liwasang Bonifacio. Tumanggi na kami pero napilitan na rin kaming sumama, huh!

Bukod sa mga kaalyadong pulitiko na kagaya nina Isko Moreno, Yul Servo at marami pang iba ay dumating din at iniendorso for president ni Mayor Erap na si Sen. Grace Poe.

Sari-saring reaksiyon ngayon ang naririnig namin sa naturang endorsement ng dating pangulo. Maging ang reaksiyon ng mga kaalyadong taga-showbiz ay nakarating din sa amin.

“Tiyak na lalong maiipit si Sen. Grace sa sitwasyon na ‘yan. Sigurado akong iisipin ng mga tao na may kapalit ang ginawang pag-endorso sa kanya ni Erap,” banggit ng tumatakbong kongresista na taong-showbiz din.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sumang-ayon naman ang isa sa mga kasama naming respetadong mamahayag. Dagdag pa niya, mas pabor kay Erap ang nangyari pero negatibo nga raw para sa senadora.

“Porke ba si Mar Roxas ang inendorso ni Mayor (Alfredo) Lim kung kaya nagpa-endorso siya sa mahigpit nitong kalaban na si Erap? Naku, malamang makakalabas sa kulungan si Sen. Jinggoy (Estrada) ‘pag nanalo si Grace,” sey pa ng kilalang beteranong manunulat na nagbilin na huwag namin siyang i-quote.

Samantala, hating-hati ang mga taga showbiz kung sino sa presidentiables ang susuportahan. Siyempre, bukod sa mga kakampi ni Korina Sanchez ay marami rin namang mga kilalang artista, TV host at newscasters na sumusuporta kay Sec. Mar Roxas.

Meron pa rin namang maka VP Binay at hindi pa rin patatalo ang talagang ipaglaban nang husto si Sen. Grace Poe, huh!

(JIMI ESCALA)