Maaari nang manumpa sa tungkulin ang susunod na presidente ng bansa sa isang barangay chairman, batay sa bagong batas na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Aquino.
Batay sa RA 10755 na nilagdaan ng Presidente nitong Marso 29, binibigyang-kapangyarihan ang isang punong barangay upang pangasiwaan ang panunumpa sa tungkulin ng sinumang opisyal ng gobyerno, kabilang na ang Pangulo ng Pilipinas.
Inakda nina Senators Bongbong Marcos, Jr. at Bam Aquino, inamyendahan ng batas ang Section 41 ng Executive Order 292 o ang Administrative Code of 1987 na nagkakaloob ng nabanggit na kapangyarihan sa mga barangay chairman.
Matatandaang noong 2010, nais ng kahahalal lang na si Pangulong Aquino na manumpa sa tungkulin sa isang barangay chairman sa halip na kay noon ay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Si noon ay Associate Justice Conchita Carpio-Morales ang nagpanumpa sa tungkulin kay Aquino, at kalaunan ay itinalaga ng huli si Morales bilang Ombudsman ng bansa. (Genalyn D. Kabiling)