ANG isang probisyon ng batas na panghalalan na hindi ganap na naipatutupad ay ang limitasyon sa pagkakabit ng campaign materials ng mga kandidato. Batay sa Electoral Reforms Law of 1987, Republic Act 6646, maaari lamang ilagay ng mga kandidato ang kani-kanilang campaign materials sa mga common poster area o sa bahay o campaign headquarters ng kandidato.
Ngayong nagsimula na ang pangangampanya para sa mga kandidato sa mga lokal na posisyon, nagsimula na ring magsulputan ang election campaign materials sa mga karaniwang lugar sa mga bayan at siyudad sa bansa—sa mga poste ng kuryente, isinasabit sa mga kable ng kuryente sa gitna ng mga kalye, partikular na sa mga intersection malapit sa traffic lights, at maging sa mga punongkahoy. Hanggang hindi nakapaglulunsad ng isang seryosong kampanya upang ipatupad ang batas na ito, lagi nang magmumukhang kabitan ng iba’t ibang sukat ng campaign poster ang mga kalye hanggang sa sumapit ang araw ng halalan sa Mayo 9.
Sa unang bahagi ng taong ito, gumawa ng mga hakbangin ang Commission on Elections (Comelec) upang maipatupad ang batas tungkol sa campaign materials. Sa pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority, sa Philippine National Police, at sa mga lokal na pamahalaan, nag-organisa ito ng mga grupo na magbabaklas ng campaign posters at streanmer na ilegal na ikinabit, alinsunod sa “Operation Baklas”. Napuno ng mga binaklas na poster ang ilang truck.
Bilang suporta sa kampanyang ito, naglunsad ang Comelec ng isang citizen reporting system, upang hikayatin ang publiko na magpadala ng mga litrato ng campaign materials na nasa mga ipinagbabawal na lugar sa opisyal na website ng Comelec at sa mga account ng komisyon sa Facebook at Twitter. At dahil halos lahat ngayon ay may camera ang cell phone, dapat na pumatok ang “shame campaign” ng Comelec sa dami ng campaign materials na nangagsabit sa mga bayan at lungsod sa bansa.
Gayunman, matitigas ang ulo ng mga kandidato at ng kani-kanilang tagasuporta at hindi alintana ang anumang shame campaign. Mas matitinding hakbangin ang kinakailangan, gaya ng mungkahi ng isang opisyal ng Comelec sa Quezon City na lahat ng nahuhuling nagkakabit, nagsasabit, o naglalagay ng election paraphernalia sa mga ipinagbabawal na lugar ay dapat na pagmultahin o isailalim sa community service ng kahit 30 araw.
Isa itong kampanya na madaling masusubaybayan. Ang kailangan lamang gawin ng publiko ay luminga-linga sa paligid.
Agad niyang mapapansin kung epektibo ba ang kampanya at kung naipatutupad ba ang batas—o gaya lamang ito ng mga nakaraang eleksiyon na ang mga campaign slogan at litrato ng mga kandidato ay naghambalang sa bawat pader, poste, at puno.