BAGUIO CITY - Nagluluksa ngayon ang mamamayan ng Mountain Province sa biglaang pagkamatay ni Governor Leonard Mayaen nitong Huwebes ng hapon, makaraang atakehin sa puso at hindi na umabot nang buhay sa Notre Dame Hospital sa siyudad na ito.

Nabatid na inatake sa puso si Mayaen bago magtanghali nitong Huwebes sa kabiserang Bontoc at makalipas ang ilang oras ay isinakay siya sa chopper ng Philippine Air Force (PAF) para dalhin sa Baguio City.

Dakong 2:53 ng hapon nang lumapag ang chopper sa Melvin Jones Football Ground sa Burnham Park para bigyan ang gobernador ng first aid ng mga sumalubong na paramedics, bago isinugod sa ospital ang opisyal.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ang 63-anyos na gobernador.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Nabatid na nagsimula kahapon, Abril 1, ang selebrasyon ng Lang-ay Festival, kasabay ng paggunita sa 49th Foundation Day ng lalawigan hanggang sa Abril 9. Posible umanong masuspinde ang okasyon dahil sa pagpanaw ng gobernador.

Walang kalaban si Mayaen sa pagkandidato niya sa Mayo 9 para sa ikatlong termino sa pagkagobernador.

Taong 2010 nang unang nahalal na gobernador si Mayaen, ngunit bago iyon ay nagsilbi muna siyang Board Member noong 1988 at naging two-term vice governor noong 1992 hanggang 1998, bago nahalal na gobernador sa isang termino, noong 1998 hanggang 2001.

Kasabay ng pagpapahayag ng pakikiramay sa pamilya ni Mayaen at sa mamamayan ng probinsiya, sinabi ni Baguio City Rep. Nicasio Aliping, Jr. na hindi lang ang mga taga-Mt. Province ang nalulungkot sa biglaang pagpanaw ng gobernador kundi ang buong Cordillera Region, dahil kilalang mabuting tao ang opisyal. (Rizaldy Comanda)