Umapela si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa Commission on Elections (Comelec) na huwag nang ituloy ang pagbili ng mga unimporme na gagamiting ng mga guro na magsisilbing Board of Election Inspector (BEI) sa eleksiyon sa Mayo 9.
Sinabi ni Pimentel na pag-aaksaya lamang ito ng pondo dahil isang araw lang naman ito gagamitin.
Mistulang apron, ang kabuuang halaga ng bib vest ng mga BEI ay aabutin ng P20 milyon, ayon sa Comelec.
Subalit iginiit ni Pimentel, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms, na hindi na ito kakailanganin dahil mismong ang mga guro ay hindi naman humiling na mabigyan ng uniporme para sa halalan.
Sinabi rin ng senador na hindi magiging kumportable dahil mainit na ang panahon sa Mayo 9, ang uniporme ay bahagi ng bagong kontrata ng Comelec na isasalang na sa bidding.
Sa halip na gastusin sa uniporme, iginiit ni Pimentel na gamitin na lang ng Comelec ang P20 milyon bilang dagdag-sahod sa mga guro na magsisilbing BEI. (Hannah L. Torregoza)