NANG ipahayag ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kanyang suporta kina Sen. Grace Poe at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., pinutakti siya ng batikos na nakalundo sa kanyang tahasang pagtalikod sa United Nationalist Alliance (UNA). Ang naturang lapian ay tulung-tulong na binuo nina Erap, Vice President Jejomar Binay at Sen. Juan Ponce Enrile para sa 2016 presidential elections.

Subalit, bigla niyang kinampihan ang kandidatura ni Poe sa pagkapangulo at mistulang iniwan si Binay na kumakandidato rin bilang pangulo. Lumilitaw rin na tinalikuran niya sina Sen. Gringo Honasan, UNA vice presidential bet at Sen. Chiz Escudero na katambal naman ni Poe bilang bise presidente; kinampihan niya si Bongbong, independent vice presidential candidate.

Isinasaad sa mga ulat na bilang tugon sa mga pagbatikos, tandisang sinabi ni Erap: “Wala tayong magagawa dahil iyon ang kabig ng puso ko, ng dibdib ko, ng isipan ko.” Kaakibat ito ng kanya namang pagkilala sa kakayahan ng binanggit niyang mga kandidato na pare-pareho niyang mga kaibigan, na maaaring nasaktan niya ang mga damdamin.

Maliwanag na malalim ang pinag-ugatan ng pagsuporta ni Erap kay Poe. Nakaangkla ito sa matalik na pagkakaibigan nila ni Action King Fernando Poe, Jr., ama ng Senadora. Hindi kaila sa sambayanan ang kanilang pinagsamahan, hindi lamang sa larangan ng pelikula, kundi sa iba pang pakikipagsapalaran, lalo na sa kanyang pagkandidato bilang alkalde ng San Juan, senador, bise presidente at pangulo. Ipinahiwatig naman ni Poe: “Malaking karangalan na magkaroon ng suporta ng isang minamahal ng masa ng ating bayan, si Erap.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nakaangkla naman sa pagtanaw ng utang na loob ang pagsuporta ni Erap kay Bongbong. Hindi niya malilimutan ang mga tulong na nagawa sa Maynila ni dating First Lady Imelda R. Marcos, ngayon ay kongresista ng isang distrito sa Ilocos Norte. Ang ina ni Bongbong ang nagbigay ng trabaho at iba pang tulong sa mga naninirahan sa Parola, Isla Puting Bato, sa Baseco – mga distrito sa Maynila.

Sa kanyang pagsuporta kina Poe at Bongbong, kailangang tiyakin ni Erap na sila ay magiging epektibong katuwang sa paglulunsad ng mga programang katanggap-tanggap sa mga Manilenyo. (Celo Lagmay)