Hagoda Gamage Shalika Perera [reuters] copy

COLOMBO (Reuters) – Nang matanggap ni Hagoda Gamage Shalika Perera, isang maliit na negosyanteng Sri Lankan, ang $20 million deposito sa kanyang account noong nakaraang buwan, sinabi niya na inaasahan niya ang pondo ngunit wala siyang kaalam-alam na ninakaw ang pera mula sa central bank ng Bangladesh sa isa sa pinakamalaking cyber heist sa kasaysayan.

Pinasok ng mga hindi nakilalang hacker ang system ng Bangladesh Bank noong Pebrero 4 at 5 at tinangkang nakawin ang halos $1 billion mula sa account nito sa Federal Reserve Bank ng New York.

Naharang ang karamihan ng mga payment. Ngunit ang $20 million ay naipasok sa Shalika Foundation ni Perera bago mabawi ang transfer. Sinabi ng mga opisyal ng Bangladesh central bank na kumilos sila matapos humingi ng paglilinaw sa transfer ang isang routing bank, ang Deutsche Bank, dahil nagkamali ang mga hacker sa spelling ng kumpanya ay naisulat ang “Fundation.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang $81 million pa ay nailipat sa mga account sa Pilipinas, at ipinasok sa mga casino kung saan patuloy itong dinidinig.

Patuloy ang pagdinig ng Philippines Senate sa kaso, ngunit hanggang ngayon ay iilang detalye pa lamang ang lumutang na nag-uugnay dito sa Sri Lanka.

Sa kanyang unang komento sa publiko, sinabi sa Reuters ni Perera, namumuno sa Shalika, na inaasahan niya ang $20 million mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) bilang tulong sa pagpopondo sa isang power plant at iba pang proyekto sa Sri Lanka. Sinabi niya na wala siyang direktang kausap sa JICA, ngunit ang kasunduan ay inayos ng isang kakilala na nakilala niya sa Sri Lanka ngunit may mga koneksiyon sa Japan.

Itinayo ang Shalika noong Oktubre 2014 at nakasaad sa registration documents na nagtatayo ito ng mga murang pabahay at nagkakaloob ng social services.

Sinabi ng JICA, ang Japanese government agency na nagkakaloob ng official development assistance, na wala itong kaugnayan sa Shalika Foundation, at anumang intermediaries.

“We have had no exchange with them, and that includes such areas as loans and grants,” paglilinaw ni JICA spokesman Naoyuki Nemoto.

Tumangging magkomento ang Sri Lankan police criminal investigation division dahil nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“We are very genuine people. We are not doing any illegal things,” sabi ni Perera, 36, nagsasalita sa English at Sinhalese sa panayaman sa Colombo, ang kabisera ng Sri Lankan. Sinamahan siya ng asawang si Ramanayaka Arachchige Don Pradeep Rohitha Dhamkin, director ng Shalika.

Sinabi ni Perera na sa ngayon ay iniisip niya na ang nakilala niya ay biktima rin ng mga hacker o kasabwat ng mga ito, at niloko siya ng mga ito para maidawit sa scheme.

Ipinakita niya sa Reuters ang kopya ng inward remittance advisory mula sa SWIFT bank messaging system para ilagay ang $20 million sa account ng kanyang kumpanya. Ang remitting entity ay ang Bangladesh government electricity agency na nangutang sa JICA noong 2010 para pondohan ang isang electricity project.

Sinabi ng pinuno ng Bangladesh Rural Electrification Board, na “ridiculous” na isipin na ang pera ay nagmula sa kanila.

“Maybe they used this government organization’s name to make it believable,” sinabi ni Brigadier General Moin Uddin, pinuno ng ahensiya.

Kinuwestyon na ng pulisya ang kakilala ni Perera, ayon sa investigation report na inihain sa Colombo Magistrate’s Court nitong Huwebes. Sinabi ng lalaki sa mga awtoridad na isang Japanese middleman ang tumulong sa pagsasaayos sa pagpopondo, ayon sa ulat.

Iniutos na ng korte ang travel ban kay Perera, sa asawa nito, taong kausap niya at apat pang indibiduwal na nakalista bilang mga director ng kanyang kumpanya.