Hindi na maitataas ni Sen. Jinggoy Estrada ang kamay ng kanyang anak na si Janella ngayong Sabado ng gabi, sa proclamation rally sa San Juan City na roon kandidato sa pagka-bise alkalde ang huli.

Ito ay matapos ibasura ng Fifth Division ang mosyon na inihain ng kampo ni Estrada na humiling ng three-hour furlough—mula 8:00 hanggang 11:00 ng gabi sa proclamation rally ni Janella.

“As has been consistently reiterated by this Court, accused cannot be accorded the full enjoyment of civil and political rights as a necessary consequence of his detention,” nakasaad sa resolusyon na nilagdaan ni Fifth Division Acting Chairman Rafael Lagos at nina Associate Justices Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at Ma. Theresa Mendoza-Arcega.

“Incarceration, by its nature changes an individual’s status in society. Verily, confinement restrains the power of locomotion or actual physical movement,” dagdag ng korte.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa kanyang mosyon, ipinagbigay-alam ni Estrada sa Sandiganbayan na hiniling sa kanya ng kanyang anak na iproklama ito bilang vice mayoralty candidate ng San Juan City, sa proclamation rally sa Pinaglabanan Shrine ngayong Sabado ng gabi.

Nitong Enero 7, ibinasura rin ng Fifth Division ang petition for bail na inihain ni Estrada na kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City dahil sa umano’y pagkakasangkot sa multi-bilyon pisong pork barrel scam. (Jeffrey G. Damicog)