NAGPASALAMAT si Gloc 9 kay Chito Miranda ng Parokya ni Edgar sa word of encouragement nito sa kanya sa kinahaharap na kontrobersiya dahil sa pagkanta sa kick-off rally ni Cong. Abby Binay na tumatakbo para mayor ng Makati.
Binibira rin ng publiko si Gloc 9 dahil ang kanta niyang Pareho Tayo ay binili at iniregalo ng friend ng mga Binay sa pamilya nito para gamitin sa kampanya. Ang usapan lang, walang babaguhin sa lyrics ng song.
Kaya lang, kasama sa bilihan ng songs ang performance ni Gloc 9 sa dalawang events, una ang kick-off meeting ni Cong. Binay at may isa pang event.
Ang sakit ng mga itinawag at ipinaratang kay Gloc 9. Hindi maihiwalay ng iba na hired performer lang siya at hindi nag-eendorso. May fans na kumalas na sa kanya at may mga nag-unfollow sa Instagram (IG).
Hindi rin tinanggap ng ilang fans ni Gloc 9 ang post niyang “Hangga’t walang kamay na itinataas dapat walang bibig na bumubukas.”
Tuloy ang maaanghang na comments laban sa kanya.
Kaya nag-post si Gloc 9 ng “Salamat ng madami Chits” sa post ni Chito na “Relax lang parekoy! Smart people will understand and respect you... the others who don’t, don’t matter.”
May mahaba ring post si Gloc 9 tungkol sa isyu:
“Pinagsabihan po ako ng aking management na huwag nang magsalita tungkol dito pero di ko po kaya.
“Nais ko pong malaman ng lahat na nababasa ko ang mga saloobin ninyo at nirerespeto ko ito kahit na minsan masasakit na ang mga salitang kasama nito. Paumanhin po kung hindi nasunod ang gusto ninyo at mawalang galang na din po sa mga nagsasabing hindi pwedeng TRABAHO LANG ITO dahil ITO LAMANG NAMAN PO ANG TRABAHO KO. Hindi po ito ito hobby na naging trabaho ito po ay isang pangarap na ipinaglaban ko ng halos dalawang dekada sa kahit na saan ano at kanino at maitutuloy ko lamang ito kung ito ang magiging hanap buhay ko.
Ako ay kumakanta sa entablado ng ibat ibang kandidato marahil ay hindi nyo lang gusto ang isang entabladong sinampahan ko. Katulad ng lahat may kanya kanyang dungis na ibinabato sa bawat isa sa kanila gayon paman i wish all the candidates good luck sa darating na elections at naway ang mapipili ay tunay na magsisilbi at tamang mamumuno sa bayan natin.
At sa may mga sama ng loob kung sakaling ang lahat po ng bintang duro at akusasyon ninyo sa huli ay mapapatunayang tama at tunay hihingi po ako ng tawad ngunit hindi sa kahit na sino man dahil higit sa aking pagiging manunulat ng awitin, higit sa aking pagiging ehemplo at higit sa aking pagiging mamamayan ako po ay isang Ama. Hihingi ako ng tawad sa aking mga anak dahil naniniwala ako na sa kanila lamang ako ay may pananagutan.
“Salamat po, Gloc -9.” (NITZ MIRALLES)