CLEVELAND (AP) — Nagsalansan si LeBron James ng 24 puntos sa panalo ng Cavaliers kontra Brooklyn Nets, 107-87, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) at kunin ang ika-12 puwesto sa NBA career scoring list.

Nalagpasan ni James si Dominique Wilkins sa nakumpletong three-point play sa kaagahan ng first quarter. Tangan ng four-time MVP, hindi na naglaro sa kabuuan ng final period, ang 26,689 career point.

Nag-ambag si Kevin Love ng 19 na puntos sa Cleveland (53-22), may 2 1/2 na laro na bentahe sa Toronto Raptors para sa top seeding ng Eastern Conference.

Nanguna si Thaddeus Young sa Brooklyn na may 18 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

BULLS 103, ROCKETS 100

Sa Houston, kumikikig pa ang Chicago Bulls at nagawang masuwag ang Rockets, na nalagay sa alanganin ang kampanya sa pakikipaglaban sa ikawalo at huling playoff slots sa Western Conference.

Hataw si Nikola Mirotic sa 28 na puntos, habang kumubra si Jimmy Butler ng 21 puntos para sa Bulls.

Naitala ng Bulls ang ikalawang sunod na panalo para makalapit ng isang larong diperensiya sa Indiana Pacers para sa No.8 slot sa Eastern Conference playoff.

Kumubra si James Harden ng 24 na puntos at walong assist sa Houston, nalaglag ng bahagya sa pakikipaglaban sa Utah at Dallas para sa huling playoff slot.

MAGIC 114, PACERS 94

Sa Indianapolis, ginapi ng Orlando Magic, sa pangunguna nina Evan Fournier na kumana ng 25 puntos at Nikola Vucevic na may 24 na puntos, ang Indiana Pacers.

Nabalewala ang 27 puntos ni Paul George sa Pacers, nakikipaglaban para sa huling playoff slot sa East, habang kumana si Lavoy Allen ng 12 puntos at 11 rebound.

THUNDER 119, CLIPPERS 117

Sa Oklahoma City, naisalpak ni Steven Adams ang go-ahead tip-in, may 26.7 segundo ang nalalabi sa laro, para maisalba sa tiyak na kahihiyan ang Thunder kontra sa second team ng Los Angeles Clippers.

Hataw si Russell Westbrook sa natipang 26 na puntos at 11 assist sa Thunder, dinugo kontra sa second team ng Clippers matapos bigyan ng day off ni coach Doc Rivers ang starter na sina Chris Paul, DeAndre Jordan at JJ Redick.

Hindi naman nakalaro si Blake Griffin na apat na larong suspendido.

Ratsada sa Clippers sina Jamal Crawford at Austin Rivers na kapwa umiskor ng 32 puntos.

PELICANS 101, NUGGETS 95

Sa New Orleans, naungusan ng kulang sa player na Pelicans ang Denver Nuggets.

Nanguna si Luke Babbitt na may 22 puntos , naglaro na wala ang leading scorer na si Anthony Davis. Kumubra naman si Toney Douglas ng 20 puntos at season-high 10 assist.

TRAIL BLAZERS 116, CELTICS 109

Sa Portland, Oregon , naitala ni Al-Farouq Aminu ang career-high 28 puntos, kabilang ang anim na 3-pointer, sa panalo ng Trail Blazers kontra Boston Celtics.

Tungo sa huling anim na laro sa regular-season, tangan ng Portland (40-31) ang No.6 slot sa West playoff, habang nasa No.6 ang Boston (39-37) sa East playoff.

Kumana sina CJ McCollum ng 17 puntos at Damian Lillard na may 14 na puntos.