Nai-dispose na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Butuan City ang relief goods na nabulok na sa pagkakaimbak na bodega ng kagawaran.
Paliwanag ni DSWD-Butuan Officer-in-Charge Shiela Mercado, kabilang sa nasirang relief goods ang dalawang kahon ng de-latang sardinas, na nangangamoy na umano sa loob ng bodega.
Sinabi ni Mercado na ibinaon na sa lupa ang nabulok na relief goods upang matiyak na walang makakakain nito.
Hinala ni Mercado, nabulok ang relief goods dahil sa hindi wastong pagkakaayos sa mga ito at dahil na rin sa matinding init ng panahon.
Nilinaw pa ng opisyal na ang nakaimbak na relief goods ay nakareserba para sa mga biktima ng emergency situations sa lungsod, gaya ng sunog, bagyo, at iba pang kalamidad. (Rommel P. Tabbad)