Sa Davao del Norte sa nakalipas na edisyon ng Palarong Pambansa, naitala ng mga bagitong atleta ang kahanga-hangang bagong marka sa medal-rich swimming at athletics event.

May mga marka kayang mabura ngayong Palaro sa Albay?

Masasagot ng mga bagong grupo ng atletang estudyante ang katanungan sa paglarga ng Palarong Pambansa sa Abril 9, sa pamosong Legazpi City.

Sa nakalipas na edisyon, nanguna ang mga atleta mula sa Central Luzon, Southern Tagalog at National Capital Region sa pagtala ng mga bagong meet record sa taunang paligsahan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna sa listahan sina Central Luzon's Balitucan National High School alumnus Martin James Esteban na nagtala ng bagong record na 15.01 sa triple jump para lagpasan ang 14.44m marka ni Mark Harry Diones.

Nadomina naman ng NCR tankers ang swimming event tampok ang record win nina Maurice Sacho Ilustre sa 200m (2:07.28), at 100m (57.56) butterfly; 800m (8:50.34), at 200m (1:58.83) sa feestyle.

Kumana rin ang mga kasangga niyang sina Christian Sy, Andrae Pogiongko, at Drew Magbagalso sa 400m Medley (4:07), gayundin sina Alnair Guevarra, Eman Dapat, Miguel Barlisanin sa 400m Freestyle (3:41.38) relays. Nalagpasan ng grupo ang 2009 at 2014 Palaro swim record.

Nabura rin ang record sa 50m freestyle, 50m backstroke at 100m breaststroke nina elementary athletes Jules Katherine Ong (28.75), Seth Isaak Martin (30.16), at Ethan Go (1:14.86), ayon sa pagkakasunod.

Nalagpasan din ni Camille Buico ang dating marka sa 100m butterfly na 1:06.92 sa mas mabilis na isang segundo, habang nabago ni Regina Maria Castrillo ang dating marka sa matikas na 1:04.41 sa secondary category.

Hindi nagpahuli ang Western and Eastern Visayas athletes kung saan naitala ni Alexis Soqueño ang bagong record sa high jump na 1.95m mula sa dati niyang marka na 1.92m, samantalang ang kanyang teammate na sina Karen Janario, Feiza Jane Lenton, Gemmalyn Pino at Lealyn Sanita ay nagtala ng bagong marka na 4:00.09 sa 4x400m relay.

Sa Mindanao, nanguna sina Efrelyn Democer at Jie Ann Calis na nagtala ng bagong record sa javelin throw (42.34m).

Nabura niya ang 2011 marka ni Stephanie Cimatu.

Mas mabilis naman ang oras ni Calis sa 3000m (10:10.16), 1500m (4:42.20) at 800m (2:12.27) event.

Sa pagkakaroon ng world-class venue ng Legaspi City at sa matikas na kahandaan ng mga atleta, inaasahang mas maraming bagong marka ang maisusulat sa 2016 Palarong Pambansa na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd).