Ben Chan Main Alden copy copy

HINDI na kataka-taka kung bakit sinabi ni Mr. Ben Chan ng Bench na mas malaki pa ang nagastos niya sa security, sa sabay na launching nina Alden Richards at Maine Mendoza bilang endorsers ng kanilang products, kaysa buong event na ginanap sa Trinoma Activity Center.

Hindi nila in-expect na as early as 7:00 AM ay may fans nang nakapila sa labas ng venue gayong 5:00 PM pa naman pa ang event. Kinailangan nilang kumuha ng extra security guards at mga pulis para makasiguro sila na ligtas ang mga tao sa venue.

Isipin mo nga naman na halos stage na lamang at ilang reserved seats for the press ang walang tao dahil napuno na iyon ng fans ang activity center hanggang sa 5th floor ng mall. So far, iyon daw ang pinakamalaking audience sa isang launch. Kaya naman ang Bench Clay Do Lite ni Alden at ang Maine Girl, Maine Love at Maine Forever scents ni Maine, thirteen minutes pa lamang ay sold-out na. Sale receipt kasi ang pinalitan ng tickets para makapasok ang fans sa venue.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaya masayang-masaya si Mr. Ben Chan sa success ng launch. Inamin niya na medyo natagalan silang i-launch ang magka-love team dahil mahirap humanap ng libreng oras. Hindi naman binigo ng AlDub love team ang fans nila sa production numbers nila at ang nagpakilig lalo na announcement nila.

“May malaki po kaming gift sa inyo para sa anniversary namin sa July,” sabi ni Maine. “Kaya hintayin ninyo ito.”

“Ito po iyong pinakahihintay ninyo, at alam naming matutuwa kayo,” susog naman ni Alden. “Hindi muna namin sasabihin kung ano, i-SOCO na lamang ninyo AlDub Nation.”

Ibig sabihin ni Alden, bahala na ang fans na tuklasin kung ano ang sorpresang tinutukoy nila.

Sa July 16 ang first anniversary ng AlDub love team at tulad ng lagi nilang sinasabi, inihahanda na nila at ng management nila ang malaking sorpresang iyon.

Samantala, may mga lumabas namang balita na galit daw ang producers ni Alden sa Canada shows nila nina Rocco Nacino at Kim Idol at hinding-hindi na raw sila uulit na muling kunin ang Pambansang Bae. Nadala na raw sila dahil mahirap itong kausap, maraming demands at hindi marunong magpasalamat. Ewan kung saan naman nakuha ito, dahil unang-una, hindi naman si Alden ang nakipag-usap sa producers kundi ang GMA Pinoy TV, kaya performers lang sila.

At parang napakalayo naman sa image ni Alden na sabihing hindi marunong magpasalamat. Katunayan, sa videos na inilabas ng fans at producers, halos wala nang marinig sa tatlong performers kundi ang pasasalamat.

Mabilis namang tumanggi ang @palabokhouse na producer sa Edmonton show, na may ganoong issue sa kanila si Alden.

Binuksan din namin ang Instagram account ng Red Productions at The Canadian Eagle na producers sa Vancouver Bae In The City Canada Tour 2016 at ito ang posts nila: “Last week Thursday, March 24, 2016 marked the beginning of the many happy and fruitful journey of Red Productions together with @aldenrichards02 @nacinorocco @kimdinosaur and the rest of the #baeinthecityvancouver team.”

Nagpasalamat si Alden sa suporta sa kanila ng production at fans na sinagot naman ng mga ito ng, “maliit na bagay @aldenrichards02. Gaya ng pangako namin sa ‘yo, walang iwanan. We’ll be walking with you side by side s’yong journey, sa hirap at ginhawa... rest assured you have our full support. GOD BLESS you more Tisoy.”

Mula pa rin sa thecanadianeagle: “You are always welcome @aldenrichards02! At yes, madami pa tayong mga susunod na shows from @red productions. See you again very soon!”

May mga nag-request din na sana raw ay dalhin din nila sa New York at New Jersey area ang kanilang show, dahil napakarami ring Pilipino roon, meron ding requests sa California area naman.

Lahat nang ito, ipinapasa-Diyos na lamang ni Alden. Basta tuloy lamang siya sa trabaho. At sa Linggo, April 3, isa siya sa special guests, kasama si Angeline Quinto, sa Reborn Praise and Worship concert nina Ogie Alcasid, Jaya at Regine Velasquez-Alcasid sa SM Mall of Asia at 7:00 PM. Iniimbitahan niya ang AlDub Nation na suportahan ang concert for a cause. (NORA CALDERON)