Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagpapasabog sa Zamboanga Airport noong Agosto 5, 2010 na ikinamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng 28 iba pa, kabilang si dating Sulu Governor Abdusakur Tan.
Si Addong Salahuddin alyas Addong Salapuddin ay iprinisinta ng mga awtoridad sa media sa NBI Headquarters nitong Huwebes ng hapon.
May nakabimbin na mandamyento de arresto laban kay Salahuddin na inisyu ang Zamboanga City Regional Trial Court noong Mayo 2, 2011 kaugnay sa naturang insidente.
Kamakalawa sumuko si Salahuddin at pansamantala muna siyang idedetine sa NBI habang wala pang commitment order mula sa hukuman.
Ayon kay Salahuddin, isang MNLF fighter, nakonsensya siya dahil para na niyang kapatid ang dalawang namatay sa pagsabog.
Inginuso niya ang isang Imam Kasim na nag-utos diumano sa kanya, ngunit pumanaw na ito.
Kinukumpirma pa ng NBI ang mga detalyeng inilahad ni Salahuddin. (BETH CAMIA)