Makaaasa ang mga graduate ng accounting course na mababawasan ang mga subject sa kanilang licensure exam dahil sa bagong regulasyon na ipatutupad ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sinabi ng PRC na ito ay bilang tugon sa Resolution No. 262-2015 ng Professional Regulatory Board of Accountancy (PRBOA), na binawasan ang mga subject sa Board Licensure Examination for Certified Public Accountant (BLECPA) sa anim mula sa kasalukuyang pito.
Tiniyak ng komisyon na ang mga kukuha ng BLECPA ay hindi mabibigla sa pag--aadjust sa bagong patakaran.
“The subjects in the BLECPA have remained unchanged since 1975 and are now long overdue for revision to take into account the requirements of the current times,” paliwanag ng PRC.
Sa ilalim ng PRBOA Resolution, ang mga bagong BLECPA subject ay kinabibilangan ng Financial Accounting and Reporting, Advanced Financial Accounting and Reporting, Management Advisory Services, Auditing, Taxation, at Regulatory Frame for Business Transaction.
Papalitan ng mga ito ang Theory of Accounts, Practical Accounting Problems 1, Practical Accounting Problems 2, Management Services, Auditing Theory, Auditing Problems, at Business Law and Taxation.
Ayon sa PRC, nagpulong ang PRBOA bago ipinatupad ang bagong patakaran simula nitong Marso 9. (Samuel Medenilla)