Sisimulan na sa Lunes, Abril 4, ang pamamahagi ng Department of Health (DoH) ng mga bago at libreng bakuna kontra dengue sa may isang milyong estudyante mula sa mga pampublikong eskwelahan, kahit na wala pang rekomendasyon mula sa World Health Organization (WHO).
Tiniyak naman nina Health Secretary Janette Garin at Dr. Rose Capeding, hepe ng Department of Microbiology ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at principal investigator naging bahagi ng tatlong phase ng clinical trials ng bakuna, na ligtas ang mga bagong bakuna.
Sinabi ni Garin na ang unang makatatanggap ng libreng bakuna ay ang mga piling siyam na taong gulang na mag-aaral mula sa Calabarzon, Central Luzon at Metro Manila.
Nabatid na sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-aaral ng Strategic Advisory Group of Experts (SAGE) sa mga bagong bakuna at wala pang inilalabas na komprehensibong rekomendasyon sa paggamit nito.
Pero una nang sinabi ng WHO na kahit wala naman ang kanilang rekomendasyon ay maaaring ituloy ng Pilipinas ang pagbabakuna.
Sa panig naman ni DOH Spokesperson Lyndon Lee Suy, sinabi niyang suportado ng international health organization ang desisyon ng gobyerno na ituloy ang pagbabakuna kahit wala pa ang opisyal na rekomendasyon ng SAGE.
Iniulat ng DoH na ang bilang ng nabiktima ng dengue sa unang 50 araw ng taon ay umakyat na sa 13.2 % kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon. (Mary Ann Santiago)