Stephen Curry, Rudy Gobert

Warriors, lumapit sa kasaysayan; Spurs, imakulada sa AT&T Center.

SALT LAKE CITY (AP) — Anumang sitwasyon ang masuungan ng Golden State, may paraan ang Warriors para magtagumpay.

Muling nakaranas ng matinding laban ang defending champion kontra sa naghahabol na Utah Jazz, ngunit, tulad sa nakalipas na paghaharap ay may malalim na pinaghuhugutan ng opensa at suwerte ang Warriors.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Mula sa malamyang simula, sumirit ang opensa ni Stephen Curry tungo sa 31 puntos, kabilang ang anim na sunod na basket sa overtime para sandigan ang 103-96 pagkubkob ng Warriors sa Utah nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Tuloy ang ratsada ng Warriors at sa nakopong 68-7 marka, nalagpasan nila ang team record sa nakalipas na season at lumapit sa katotohanan para mapantayan, hindi man malagpasan, ang 72-10 marka ng 1995-96 Chicago Bulls.

Naisalpak ni Klay Thompson, tumapos na may 18 puntos, ang game-tying 3-pointer may 15 segundo ang nalalabi sa regulation. Sa overtime, sumagitsit ang opensa ni Curry para sa 99-93 bentahe, bago nakipagsabayan si Draymond Green para tuluyang mailayo ang bentahe para sa panalo ng Warriors.

Nalagay naman sa alanganin ang kampanya ng Jazz sa No. 8 spot ng Western Conference playoff matapos makisosyo sa Houston Rockets at Dallas Mavericks na pare-parehong may 37-38 karta.

Nanguna si Gordon Hayward sa Jazz sa 21 puntos, habang kumubra si Rodney Hood ng 20. Nag-ambag si Rudy Gobert ng 11 puntos at 18 rebound.

MAVS 91, KNICKS 89

Sa Dallas, naisalpak ni J.J. Barea ang ‘go-ahead’ layup may 49.9 segundo sa laro para kumpletuhin ang matikas na pagbalikwas ng Mavericks sa final period at gapiin ang New York Knicks.

Bunsod ng panalo, nakatabla ng Mavericks ang Houston Rockets at Utah Jazz para sa ikawalo at huling playoff spot sa Western Conference.

Naagaw ng Dallas, naghabol ng double digit na bentahe sa huling siyam na minuto, ang kalamangan sa 90-89.

Nabalewala ang 31 puntos na naitumpok ni Carmelo Anthony sa New York na naglaro na wala si rookie star Kristaps Porzingis bunsod ng injury sa balikat.

SPURS 100, PELICANS 92

Sa San Antonio, pinabagsak ng Spurs, sa pangunguna ni Manu Ginobili na kumana ng 20 puntos, ang New Orleans Pelicans para maitala ang NBA record na 38 sunod na panalo sa AT&T Center ngayong season.

Nalagpasan ng San Antonio ang 37-0 home-game win ng Chicago Bulls tungo sa NBA record 72-10 marka noong 1995-96 season. Tangan ng Golden State (67-7) ang hiwalay na 36-game home winning streak ngayong season at posibleng mahigitan ang marka dahil may tatlong laro pang nalalabi ang Warriors sa Oracle Center.

RAPTORS 105, HAWKS 97

Sa Toronto, hataw si DeMar DeRozan sa 26 na puntos, habang kumana si Jonas Valanciunas ng 19 na puntos at siyam na rebound sa panalo ng Raptors kontra Atlanta Hawks.

Tangan na ang division title, nakopo ng Raptors ang franchise-record na ika-50 panalo sa isang season.

Kumubra si Kyle Lowry ng 17 puntos, 11 assist at anim na rebound sa Toronto (50-24).

Nanguna si Jeff Teague sa Hawks (45-31) na may 18 puntos.

CLIPPERS 99, WOLVES 79

Sa Minneapolis, nagsalansan ng 20 puntos, 16 assist at walong rebound si Chris Paul, habang humarbat ng 17 puntos si JJ Redick at may 11 puntos, walong rebound at tatlong block si DeAndre Jordan.

Nanguna si rookie Karl-Anthony Towns sa Wolves na may 16 na puntos at 11 rebound.