Mga laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
4:15 n.h. – ROS vs Phoenix
7 n.g. -- NLEX vs Globalport
Umaatikabong aksiyon ang matutunghayan sa paghaharap ng mga naghahabol na koponan sa double-header match ngayon sa 2016 PBA Commissioner’s Cup elimination, sa Smart-Araneta Coliseum.
Haharapin ng Rain or Shine ang Phoenix sa unang laro sa ganap na 4:15 ng hapon, habang magtutuos ang NLEX at Globalport sa 7:00 ng gabi.
Kasalukuyang magkasosyo sa three-way tie sa ikalimang puwesto ng team standings ang ROS at NLEX kasama ang Mahindra taglay ang parehong 4-4 karta.
Nasa hulihan naman ang Phoenix at Batang Pier kung kaya’t kailangan nilang makaagapay para makaabot sa top 8.
Batay sa format, matapos ang single round elimination, tanging ang top 8 teams ang uusad sa susunod na quarterfinal match up kung saan may bentaheng twice- to - beat ang top two squads kontra No.8 at No.7 seed, ayon sa pagkakasunod, habang ang No.3 at No.6 team ay makikipaglaban sa No.4 at No.5 team.
Kasunod ng naitalang 88-75 panalo kontra Blackwater sa nakaraan nilang laban, muling sasandigan ng NLEX ang kanilang depensa kontra Globalport na magkukumahog namang umahon mula sa kinalalagyang buntot ng standings hawak ang barahang 2-6.
Nabuhayan naman ng pag-asa ang Fuel Masters (3-5) matapos ang kanilang overtime 124-120 panalo kontra Blackwater nitong Miyerkules.
“Yung overtime na yun, that will bring our character to the next level,” pahayag ni Phoenix coach Koy Banal.”It’s hard, but it’s possible. The goal is to win 3 out of 4 to have a better chance to the playoffs,” aniya.