Idiniin ng grupo ng bikers at trekkers mula sa Cotabato City ang tatlong indibiduwal na anila’y responsable sa malawakang sunog sa Mt. Apo.
Ayon sa Cotabato All-Terrain Bikers Association (CATBA), nagsimula ang sunog kung saan namataan ang tatlong mountain climber na nagluluto ng pagkain noong Sabado ng hapon.
Sinabi ni Tutin Sapto, CATBA founding member, personal nilang nasaksihan ang sunog at nakunan pa ng larawan mula sa kanilang tent sa ibaba ng Lake Venado. Binalak nilang tumulong sa pag-apula sa sunog ngunit pinigilan sila kayat dismayadong pinanood na lamang nila ang paglamon ng apoy sa kakahuyan at damuhan ng bundok.
WALA NANG AAKYAT
Ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Kidapawan ang tatlo hanggang limang taon na pagpapasara sa Mt. Apo kasunod ng forest fire sa kabundukan nitong weekend.
Sa huling tala, mahigit 40 ektarya na ng kabundukan, partikular ang hilagang bahagi nito na nakaharap sa Davao area, ang sinira ng apoy.
Patuloy na nilalabanan ng mga bombero at volunteers mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang apoy.
“Effective March 27 the trek to Mt. Apo is closed to give way for the restoration of its natural habitat,” pahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa panayam ng media.
Kinokontrol ng Mt. Apo Protected Area Management Board (PAMB) ng lungsod ang bilang ng mga umaakyat sa bundok taun-taon.
Ngayong taon, 1,000 lamang ang pinahintulutan ng PAMB na makaakyat sa bundok mula sa karaniwang 2,000 hanggang 3,000 mountaineer na umaakyat sa tuktok ng natural park bawat taon.
Ang Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa sa taas na 9,692 feet above sea level, ay matatagpuan sa hangganan ng mga lalawigan ng North Cotabato, Davao, South Cotabato, at Bukidnon sa Central Mindanao. (Fer Taboy at PNA)