Umalma na rin si Tacloban City Mayor Alfredo Romualdez sa campaign comics ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas na naglalarawan sa dating kalihim bilang isang “super hero” sa naging papel nito sa pagtulong sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.
Bagamat aminado na hindi pa niya nakikita ang comics na may titulong “Sa Gitna ng Unos”, iginiit ni Romualdez na marami na siyang naririnig na negatibong komento hinggil dito.
“Up to now, nothing good about it. It is very fictional,” pahayag ni Romualdez sa pulong balitaan na dinaluhan din ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar C. Binay.
Aniya, sinasariwa ng comics ni Roxas ang mapait na karanasan ng mga residente ng Tacloban matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang siyudad.
“I do not want people in eastern Visayas, especially in Tacloban, to repeat the whole experience again,” paliwanag ni Romualdez.
Inilarawan naman ni Binay ang comics ni Roxas na “kahiya-hiya” na nagpapakita lamang umano ang kahambugan ng pambato ng administrasyong Aquino. (Anna Liza Villas-Alavaren)