Natukoy na ng militar ang lider ng Abu Sayyap Group (ASG) na namuno sa pagdukot sa 10 Indonesian sa dagat ng Tawi-Tawi.

Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinamunuan ni ASG sub-leader Alhabsi Misaya ang grupo at pinaniniwalaang diversionary tactics ang ginawang pagdukot.

Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, dahil sa matinding pressure ng militar sa pagtugis sa bandidong grupo kung kaya’t naghanap ang mga ito ng ibang paraan para maibsan ang walang tigil na military operation laban sa kanilang mga kasamahan.

Humingi ang mga bandido ng P50 million kapalit ng paglaya ng mga bihag.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sakay ang mga biktima ng Brahma-12, isang Indonesian-owned tugboat, kasama ang sister vessel nito, at hinihila ang barge na may kargang 7,000 tonelada ng coal, nang atakehin sila ng mga bandido nitong weekend.

Nagmula ito sa ilog Puting sa Banjarmasin, South Kalimantan province ng Indonesia at patungong Batangas sa Pilipinas.

Natagpuan ang mga lokal na awtoridad ang Brahma-12 na inabandona sa Languyan Island, Tawi-Tawi nitong Lunes ng hapon.

SALAMAT, PERO…

Kaugnay nito, nilinaw ni Padilla na hindi maaaring tumulong ang Indonesian security forces sa search-and-rescue operations para sa 10 mamamayan nito na dinukot sa Pilipinas.

“Per our constitution, we do not allow military forces here without a treaty,” aniya.

Ang tinutukoy niya ay ang Article XVIII, Section 25 ng 1987 Constitution na malinaw na ipinagbabawal ang foreign military bases sa Pilipinas.

Naglabas ng pahayag si Padilla matapos ialok ng Indonesia ang military at police units nito para sa pagtutugis ng mga bandido at pagsagip sa mga dinukot na mamamayan nito.

Sinabi rin niya na may kakayahan ang AFP na hanapin at sagipin ang mga bihag. (Fer Taboy at PNA)