Pinagdududahang inside job ang pagkawala ng milyun-milyong halaga ng mga blangkong plaka ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) kaya humingi na ang ahensiya ng ayuda mula sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Iniimbestigahan ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagnanakaw sa mga blangkong mula sa mismong planta ng ahensiya sa Quezon City noong Semana Santa.

Sa pahayag ni LTO Spokesman Jazon Salvador, nawawala ang 11 tonelada ng blangkong plaka ng mga sasakyan sa loob ng bodega.

May hinalang unti–unting ninakaw sa bodega ng LTO-Central Office ang mga aluminum plate sheet.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Natuklasan ang pagkawala ng blangkong plaka ng sasakyan nang ipag–utos ni LTO Chief Roberto Cabrera ang imbentaryo sa mga ito.

Nagtataka si Cabrera kung paanong naipuslit ang mga plaka dahil dalawa ang gate na daraanan ng sinumang magnanais pumasok sa bodega.

Kinakailangan din ng malaking truck upang maikarga ang mga plaka at hindi ordinaryong mangangalakal ang puwedeng gumawa nito, ayon kay Cabrera.

Nanawagan ang LTO sa publiko na iulat sa kanilang tanggapan kung may makikitang mga plaka sa mga junk shop na posibleng ibinenta ng kasabwat na sindikato sa labas.

Nagbabala ang ahensiya laban sa sinumang bibili o magbebenta ng mga plakang ito na makakasuhan sila ng paglabag sa Anti-Fencing Act. (Jun Fabon)