Mariing nagbabala si dating Akbayan Rep. Walden Bello sa Commission on Election (Comelec) at kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao na handa silang maghain ng kasong kriminal laban sa mga ito pagkatapos ng halalan sa Mayo 9.

Sa isang panayam sa Quezon City, napag-alaman kay Bello na nagbalangkas na sila ng reklamong paglabag sa electoral code at disqualification laban kay Pacquiao kaugnay ng pagpayag ng Comelec sa pagsasahimpapawid sa laban ng world boxing champion sa Abril 9 (Abril 10 sa Pilipinas).

Itinakda sa nasabing petsa ang ikatlong laban ni Pacquiao sa Amerikanong si Timothy Bradley sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada sa Amerika. Una nang inihayag ni Pacquiao na ito na ang magiging huling laban niya sa ring.

Kaugnay nito, nanawagan din si Bello na magbitiw sa puwesto si Comelec Chairman Andres Bautista.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Inihayag ngayong linggo ng Comelec na hindi nito maaaring ipatigil ang laban nina Pacquiao at Bradley dahil wala namang naghain ng pormal na petisyon laban dito.

Una nang lumiham si Bello sa Comelec para tanungin kung hindi ba maituturing na political advertisement at isang paglabag sa election law ang pagsasahimpapawid ng laban ni Pacquiao ngayong buwan.

Kapwa kandidato sa pagkasenador sina Pacquiao at Bello. (JUN FABON)