DREAM come true para kay Cherry Pie Picache na makasama sa pelikula si Nora Aunor.
Matagal na pala niyang wish na makasama ang superstar kaya labis ang pasasalamat niya sa producer ng movie nilang The Whistleblower, si Mr. Tony Gloria at sa director nilang si Adolph Alix, Jr. nang kunin siya sa socio-political thriller na tamang-tama ang tema para sa darating na May 9 elections.
“Nakasama ko na si Ate Guy sa Bituing Walang Ningning, pero sa TV iyon, at first time lang ngayon sa movie,” sabi ni Cherry Pie. “Hindi nabibigyan ng pagkakataon ang isang artista na makasama niya ang mga nirerespeto sa ating industriya, at dito, bukod kay Ate Guy, kasama ko rin dito si Angelica Panganiban (bilang si Teresa Sancon, ang journalist na sumama sa NBI riding team), si Ms. Laurice Guillen, Ms. Liza Lorena, Ms. Celeste Legaspi at si Ricky Davao. Iba iyong feeling mo talaga kapag kaeksena mo sila.”
Napanood na namin ang movie, aling eksena roon na magkasama sila ni Ate Guy ang gusto niya?
“Iyong eksena sa basement na kami lamang dalawa ang magkasama. Ako si Lorna Vergara (na alam ng manonood na ang character ay hango kay Janet Napoles) at si Ate Guy si Zeny Roblado, ang whistleblower. Wala siyang masyadong dialogue, pero iyong mga mata niya, talagang nangungusap, pagtingin lamang niya sa akin, alam ko nang siya si Nora Aunor.
“Hindi ba iyon ang laging sinasabi kapag kaeksena mo siya, mata pa lamang niya, nangungusap na, ‘di na kailangang ang dialogue. Hinding-hindi ko malilimutan ang eksenang iyon. And I’m honored na sa wakas, nakasama ko na siya sa isang pelikula.”
Pero may iba pang hinahangaang artista si Cherry Pie na gusto rin niyang makasama, si Gov. Vilma Santos at si Ms. Lolita Rodriguez.
Sa April 6 na ipalalabas ang The Whistleblower na nabigyan na ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB).
(NORA CALDERON)