Hinikayat kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na huwag tangkilikin ang mga kandidato na lumilikha hindi lamang ng sobrang ingay, kundi ng matinding trapiko sa kanilang komunidad.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hindi dapat palagpasin ng mga botante ang perhuwisyong idinudulot ng mga pasaway na kandidato na gumagamit ng malalakas ng public address system upang makatawag lamang ng pansin ang kanilang campaign jingle sa mga residente.
“At the end of the day, if they are annoyed by these noises from the campaign, then they should not vote for those behind them,” pahayag ni Bautista sa media.
Aniya, ganito rin ang dapat sapitin ng mga kandidato na lumilikha ng matinding trapiko dahil sa kanilang motorcade na karaniwa’y hindi sumusunod sa batas.
Bukod dito, mayroon din ng mga pasaway na kandidato na nagsasara ng mga lansangan tuwing magsasagawa ng political rally.
“If you are put at a disadvantage by the traffic caused by closed roads and heavy traffic, then you should get angry at these candidates,” dagdag ni Bautista.
Sinabi ni Bautista na marami na siyang natatanggap na reklamo hinggil sa pang-aabuso ng ilang kandidato kapag nangangampanya, at ang napeperhuwisyo ay mga inosenteng residente.
Bagamat aminado si Bautista na hindi maituturing na paglabag sa election laws ang mga ito, maaari namang buweltahan ng mga botante ang mga pasaway na kandidato sa pamamagitan ng paglaglag sa mga ito sa balota sa Mayo 9.
(SAMUEL P. MEDENILLA)