NGAYON ay April Fool’s Day!

Pinaniniwalaang nagmula sa kanluran, ang April Fool’s Day ay ginugunita sa maraming kultura sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang Pilipinas. Itinuturing itong araw ng “fun”, at bawat taon ay nagiging mas malikhain at “high-tech” ang mga tao sa pagbibiro at pagsasagawa ng mga prank sa mga kaibigan at iba pang nabibiktima na madaling mapaniwala. Tiyaking may taglay na mayamang sense of humor, dahil wala kang ideya sa uri ng biro na ibabato sa iyo ngayong araw.

Ilang website ang nakapagdokumento ng daan-daang biruan at panloloko tuwing April Fool’s Day, kabilang sa mga ito ang: paggamit ng wireless mouse sa computer ng biktima at paggalaw dito mula sa malayo; pagbabalanse ng maliit na disposable cup na may tubig sa ibabaw ng isang nakaawang na pinto para mabuhos ito sa sinumang papasok; panghihiram ng cell phone at pagbabago sa lengguwaheng gamit nito; pagpapalit ng karatula ng palikuran para sa babae at para sa lalaki; pagdadala ng maraming terno ng damit sa trabaho, at pagpapalit nito kada oras na parang walang nangyayari; at paglalagay ng pulbos sa hair-dryer.

Maraming kuwento tungkol sa pinagmulan ng selebrasyon ng April Fools’ Day. Walang isa man sa mga ito ang titiyak sa tunay na pinagmulan ng tradisyon. Ayon sa isang kuwento, nagmula ito sa France, isa sa mga unang bansa na ginawang opisyal na Araw ng Bagong Taon ang Enero 1, sa bisa ng dekrito ni Charles IX. Ito ay noong 1564, bago pa ginamit ang kalendaryong Gregorian. Kaya naman ang mga regalo para sa Bagong Taon at ang pagbisita ng mga kaanak na ginawa sa unang araw ng Abril ay iniugnay sa unang araw ng Enero, at ang sinumang hindi nakababatid sa pagbabagong ito ay biniro ng mga naaliw sa pagpapadala ng mga aakalaing regalo at pag-iimbita sa mga kunwaring seremonya sa unang araw ng Abril.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa mga kuwentong French at Dutch noong 1508 at 1539, ayon sa pagkakasunod, inilarawan ang mga biro ng April Fool’s Day at ang mga pang-uutong iniuugnay dito sa unang araw ng Abril. Isa pang kuwento ang nag-ugnay sa nasabing araw sa pagpapalit ng panahon sa Northern Hemisphere kapag ginugulat ng kalikasan ang mga tao sa biglaang pagbabago ng panahon. Ngunit paano o kailanman ito nagsimula, ang April Fools’ Day ay naging bahagi na ng kultura ng maraming bansa, at inaabangan ng mga tao ang Unang Araw ng Abril bilang pagkakataon para tumawa at masiyahan, sa pambibiktima sa ibang tao.

Karaniwan nang inaabangan ang mga biruan upang magkaroon ng aliwan at malibang mula sa mga araw-araw na gawain o sa kaabalahan ng buhay. Nakapagdudulot ito ng halakhak at madalas na nag-iiwan ng mga nakakatawang alaala. Gayunman, mayroong golden rule na dapat sundin ang mga nagbibiro tuwing April Fool’s Day: Huwag gagawan ng biro ang kapwa na hindi mo gustong gawin sa iyo.

Happy April Fool’s Day sa lahat!