NICOSIA (PNA/Xinhua) — Ang vest na suot ng lalaki na nang-hijack sa isang eroplano ng EgyptAir at pinalapag sa Larnaca airport ay gawa sa mga baterya ng cellphone at tinakpan upang magmukhang suicide belt, inihayag ni Cyprus Foreign Minister Ioannis Kasoulides nitong Martes matapos ang insidente.

Sinabi ng hijacker na may mga pampasabog ang sinturon at pinagbantaan ang piloto ng Airbus-320 na pasasabugin ang eroplano, inutusan itong dalhin siya sa Istanbul matapos lumipad mula Alexandria patungong Cairo.

Ngunit humiling ang piloto ng emergency landing sa Larnaca sa madaling araw dahil nauubusan na ito ng panggatong, ayon kay Kasoulides.

Muling nagbanta ang hijacker, kinilala ng Egyptian authorities na si Saif el Din Mustafa, na pasasabugin ang aniya’y suicide belt sa hapon kapag tumanggi ang mga awtoridad sa hiling niya na i-refuel ang eroplano at ilipad siya sa Istanbul.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

“When he was told that his demand would not be met he decided to surrender,” ani Kasoulides.

Idinagdag niya na nang mga sandaling iyon, napagtanto ng mga awtoridad na ang hijacking ay hindi kagagawan ng terorista at ang nagbabantang lalaki ay isang “psychologically unstable person.”

Nagpaabot ang hijacker ng liham para sa kanyang ex-wife na Cypriot, ina ang kanilang apat na anak, at sinabing nais niyang mapalaya ang 60 babaeng preso sa Egypt. Binubusisi na ng mga awtoridad ang liham.

Bago sumuko, pinakawalan ng hijacker ang karamihan ng mga pasahero habang ang iba ay nakatakas nang hindi niya napapansin, kabilang na ang captain na tumalon mula sa bintana ng cockpit.

Sinabi ng Cypriot authorities na haharap sa lokal na korte sa Larnaca ang lalaki at mananatili sa kanilang kustodiya.

Wala pang malinaw na konklusyon sa kaso dahil hindi magkakatugma at paiba-iba ang isinasagot ng hijacker sa mga imbestigador.